UMAGA nitong Miyerkoles ay nakausap namin ang manager ni 2018 Miss Universe Catriona Gray na si Erickson Raymundo.
Si Erickson din ang Presidente at CEO ng Cornerstone Entertainment, at nabanggit nga niya sa amin na nalulungkot siya sa mga nangyayari ngayon sa paligid lalo’t may pandemya.
Nabahala rin siya sa mga kaibigan niyang nawalan ng trabaho sa ABS-CBN base na rin sa kanyang mga Facebook post dahil nga hindi na nabigyan ng bagong prangkisa ang network at kailangan pang magbawas ng empleyado.
Sa ilang taon na sa industriya ni Erickson ay hindi siya naging mapagpatol sa mga showbiz chismis lalo’t hindi totoo.
“Matagal na tayo magkakilala, Reggee, maraming isyu o maraming intriga sa mga talents ng Cornerstone, pinalalampas na namin kung hindi naman ganu’n katindi na magte-trending siya. Kasi kapag lumaki ang isyu, malice na lalo’t nakakasira sa tao, maaapektuhan talaga.
“Hindi rin kami ‘yung tipo na kapag naiinis o may galit, hindi naman kami nagpapatira as in dedma lang at may mga nagtatanggol naman, so thankful kami sa mga naniniwala sa amin o sa talents ng Cornerstone.
“Itong latest, kay Catriona kitang-kita naman na hindi totoo, pero inilabas pa rin ng ibang site, online at dahil nakitang seryoso kami na kasuhan sila, si Atty. Joji (Alonso) galit talaga, biglang nagtanggalan ‘yung mga nagpapakalat.
“‘Yun ang reason kung bakit kami nagpunta na sa NBI, to ask for help to trace all these sites na naglabas o nagpakalat and the NBI naman told us na mati-trace nila at tutulong talaga sila sa amin.
“Nakakagalit kasi si Catriona naman ay walang ginagawang masama, may advocacy siya, kung baga anong dahilan mo para sirain siya?
“Naalala ko ‘yung dati si Sam (Milby) ginawan din, tapos heto si Cat. Panganay at bunso ko, to eh.
“Ang akin lang, sana bago nagsulat ‘yung iba tungkol sa mga pekeng litrato sana hiningi rin nila ‘yung side namin kung totoo ba o hindi para naman alam nila o sana nag-research sila kung totoo. E, hindi sila nag-research na ‘yung bath tub scenes, e, promo ‘yun ng Bench, tapos may itinabing picture na altered naman.
“Nakakalungkot kasi sa panahon ng pandemic sana hindi ganito, sana nagtutulungan lahat. Ako naman hindi ko gustong umabot sa ganito na may kaso-kaso, pero wala kaming choice kasi kailangan naming mapangalagaan ang talents namin, their reputations, ‘yung image nila. Si Cat, nagdala siya ng dangal sa bansa natin tapos ganu’n,” mahabang paliwanag ng manager ni Catriona.
Samantala, nitong Martes, 10 p.m. naman inilabas ng legal counsel ni Catriona na si Atty. Joji Alonso ang official statement sa pagpunta nila sa NBI nitong Martes ng hapon.
“Earlier today, Ms Catriona Gray formally sought the assistance of the NBI officials to investigate on the identities of those behind the uploading and seeding of the altered malicious photo, as well as determine the owners of social media accounts created to disparage and malign her name.
“The NBI has graciously offered to assist in the filing of appropriate cases.”