SA ginanap na virtual presscon ni Vice Ganda para sa launching nh The Vice Ganda Network ay nabanggit niyang open sa lahat ang kanyang digital show at hindi lang para sa Kapamilya stars.
“Siyempre, since digital naman ito, online, hindi naman siya TV, mas masaya kung marami tayong makakasama.
“Kumbaga, sa GGV dati, iyong Gandang Gabi Vice, dumating kami sa point na na-guest na namin lahat ng artista sa ABS-CBN,” say ng TV host-comedian.
Dahil umabot naman ng nine years ang GGV sa ABS-CBN kaya nauubusan na rin ng ige-guest ang programa at umabot na raw na sila-sila mismo ay nagtatanungan kung sino pa ang puwede nilang imbitahin sa show.
“Kahit iyong mga staff, ‘Sino pa ba ang kakausapin natin? Sino pa ba ang iinterbyuhin? Lahat nakausap na natin, lahat ng artista, lahat ng relevant sa ABS-CBN nakausap na natin.’
“Sa loob ng siyam na taon, naubos na. Pero, wala naman tayong magagawa kasi, yun ang sistema.
“Pero dito sa online, siguro hindi naman masama at magiging masaya ang audience na makakita sila ng ibang celebrities na hindi pa nila nakikita o nakakausap o nai-interview o nakaka-banter ko,” paliwanag ng komedyante.
Pangarap nga raw niyang makapag-guest o maka-interbyu rin ng taga-Kapuso network.
“Marami naman ever since na wish list. Marami naman sa GMA, maraming GMA artists na gusto kong ma-interview.
“Siyempre, sina Heart (Evangelista), o kaya, sina Marian Rivera at Dingdong (Dantes) ulit. Kasi si Dingdong, hindi ko pa na-interview nang solo sa Gandang Gabi Vice dati.
“Na-interview ko siya, pero dalawa sila ni Kris (Aquino). Pero iyong solo, hindi pa naman. And siyempre, iyong other stars ng GMA like si Michael V,” say ni Vice.
Hindi lang mga artista ang gustong makasama ni Vice sa “Gabing-Gabi Na Vice” maging ang kilalang influencers din ay welcome sa show niya tulad ni Donallyn Bartolome at iba pang kilalang vloggers.
Samantala, noong naka-lockdown ang Metro Manila at hindi pa puwedeng lumabas ng bahay ay inamin ni Vice na lahat ng mga kaibigan niyang stand up comedians ay isa-isa niyang tinatawagan para kumustahin kung okay sila.
“Noong lockdown nga, almost every night, mayroon akong kailangang tawagang bakla dahil na-bother ako sa post niya sa Facebook. Sobrang nag-aalala ako para sa kanila,” aniya.
At kaya rin niya naisip ang TVGN ay para may venue rin ang mga kaibigan niyang nawalan ng hanapbuhay sa mga nagsarang comedy bars.
“Isa itong paraan para maiahon ko sila doon sa kawalan ng pag-asa na wala na silang magagawa, na hindi na nila magagawa yung ginagawa nilang pagpapatawa na mahal na mahal nila,” sabi pa TV host-vlogger-producer at marami pang iba.
Sayang nga at hindi namin naitanong kung bakit laging replay ang “It’s Showtime” sa loob ng dalawang linggo, pero base naman sa ABS-CBN insider ay live na ulit ang programa sa susunod na linggo.