Inirekomenda ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilaan ang apat na ospital sa Metro Manila para lamang sa mga pasyente na tinamaan ng COVID-19.
Sa meeting kagabi ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease, sinabi ni Galvez na ito ay para mapalawig pa ng pamahalaan ang treatment sa mga tinamaan ng COVID-19 at hindi na rin makompromiso ang ibang pasyente.
“So ang nakikita po namin, we will be recommending na kung magkaroon po na tayo ng zoning sa NCR, mayroon po dapat tayo na apat na COVID hospitals para ‘yon dedicated na hospitals na ginawa po ng China na nagkaroon siya ng — in 10 days, they build a COVID-dedicated hospital,” pahayag ni Galvez.
Hindi naman na tinukoy ni Galvez kung ano ang apat na ospital.
“Kung ‘yon po ma-dedicate po natin sa COVID — sa COVID lang po ‘yon, maganda po na magkaroon po tayo ng tinatawag sa Metro Manila na four COVID dedicated hospitals. Kasi po ang problema po natin pagka — kung may — kumakain po tayo ng percentage doon sa mga patient po na non-COVID, ‘yung non-COVID po ang naco-compromise, ‘yung mga tinatawag nating may dialysis, ‘yung mga cancer, ‘yon po ang mga nagiging casualty po,” pahayag pa ni Galvez.
Sa pinakahuling talaan ng Department of Health, nasa 66,000 na kaso ng COVID-19 ang naitala sa Pilipinas.