“MUNTIK na akong mahulog sa kama!”
Ito ang reaksyon ng Kapuso comedian na si Michael V nang mabasa ang balitang namatay na siya dahil sa COVID-19.
Kalat na kalat na ngayon sa social media ang fake news tungkol sa pagpanaw umano ni Bitoy, ilang oras lang matapos niyang kumpirmahin na nag-positive siya sa COVID.
Ang nasabing death hoax ay ni-repost pa ng komedyante sa Instagram at Twitter na unang nabasa sa isang blog.
Makikita sa post ang dalawang litrato ni Bitoy, isa ay galing sa latest vlog ng comedian-TV host habang ang isa ay inedit pa para magmukha siyang multo.
“BREAKING NEWS: Aktor na si Michael V o BITOY ay Pumanaw na Kanina lamang,” ang titulo ng nabanggit na fake news. May pa-hashtag pang #RIPMichaelV ang gumawa nito.
“Muntik ako mahulog sa kama! Si Josie Gonzales, advance mag-isip. Ingat po tayo sa mga ganito.
“Gusto ko lang imulat ang mga tao sa dangers ng Covid pero ibang danger po ang ipi-prisinta n’yo sa pagkakalat ng mga ganito.
“Netizens, kayo na po bahala,” ang caption ni Bitoy sa kanyang post.
Sa pamamagitan ng kanyang vlog, ibinalita ni Bitoy ang naging journey niya sa pagkakaroon ng COVID-19. Detalyado niyang ipinakita rito kung paano nagsimula ang pagbabago sa kanyang pakiramdam hanggang sa pagpapa-test.
Agad siyang nagpa-swab test noong July 15 matapos makaramdam ng ilang symptoms ng COVID-19. Makalipas ang ilang araw, ipinaalam sa kanya na positibo nga ang resulta ng test sa pamamagitan ng isang e-mail mula sa St. Luke’s Medical Center.