SABAY na nagtirik ng kandila sina Iza Calzado at Jodi Sta. Maria bilang pakikiramay sa tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN.
Hindi nakapunta sa noise barrage at rally ng mga artista at empleyado ng ABS-CBN ang dalawang aktres nitong weekend para ipakita ang kanilang galit sa mga kongresistang nagkait na mabigyan uli ng prangkisa ang network.
Tulad ng naipangako ni Iza, hindi siya basta mananahimik lang sa tuluyang pagpapasara ng Kongreso sa ABS-CBN. Tuloy pa rin ang kanilang pakikipaglaban.
Nag-post ang aktres sa Instagram ng litrato nila ni Jodi kung saan makikita ang pagtitirik nila ng kandila bilang pakikisimpatya sa mapait na sinapit ng kanilang network at sa mga empleyadong mawawalan ng kabuhayan.
Ani Iza, naka-lock-in taping sila para sa serye nilang “Ang Sa Iyo Ay Akin” kaya hindi sila nakasama sa ginanap na protest rally.
“Nasa lock-in taping man kami ng ‘Ang Sa Iyo Ay Akin,’ nakiisa kami sa motorcade at sa pagkilos laban sa nagpapasara ng ating tahanan.
“Patuloy kaming nagsisilbi sa inyo mga Kapamilya at handang ipaglaban lalo na ang mga kasamahan nating hindi dapat inaalisan ng kabuhayan lalo na ngayong panahon ng pandemya,” lahad ng aktres.
Patuloy pa ng aktres, “Kami ay nakikiisa sa pagdadalamhati at paglaban ng Kapamilya!
“Dahil kung nagawa nila ‘yan sa atin ay magagawa nila iyan kahit kanino man. Hindi tayo mananahimik lamang,” diin pa niya.
Kamakailan ay inihayag na ng mga may-ari ng network na magbabawas na sila ng mga manggagawa sa susunod na buwan matapos ngang ibasura ng Kongreso ang kanilang franchise application.