Resbak ni Nikki Valdez sa mga anti-ABS-CBN: Hindi mananaig ang kasamaan kailanman

 

MADAMDAMIN at malalim ang hugot ng mensahe ng Kapamilya actress na si Nikki Valdez sa tuluyang pagkawala sa ere ng ABS-CBN.

Hindi na kinaya ni Nikki ang matinding sama ng loob dahil sa naging desisyon ng Kongreso na huwag nang bigyan ng bagong prangkisa ang network at ang pagkatanggal sa trabaho ng libu-libong empleyado.

Naglabas na ng official statement ang istasyon tungkol sa gagawin nilang “layoff”, “cessation of operations of some of its businesses” at “implementation of a retrenchment program starting August 31, 2020.”

Isang mahabang open letter ang ipinost ni Nikki sa Instagram kalakip ang kanyang litrato na kuha sa ginanap na motorcade at vigil sa harap ng ABS-CBN bago lumabas ang desisyon ng mga kongresista.

“Dalawa lamang ito sa mukha ng libo libong empleyado ng ABSCBN na mawawalan ng trabaho sa susunod na buwan. May posibilidad na kasama ang asawa ko doon,” simulang pahayag ng aktres.

“Madali lang para sa inyo na sabihin na hindi lang naman sa amin nangyari o nangyayari ito. Na maghanap nalang kami ng ibang trabaho. Na huwag kami mag over react. Na kumpanya namin ang may kasalanan. Na buti nga sa ABS-CBN magsasara na. Yung iba nga nagdidiwang pa.

“Sana kaya niyong sabihin yan sa mga empleyadong sila lang ang inaasahan ng pamilya nila, na may mga sinusuportahan, pinag aaral, yung iba buntis pa at may pinapagamot na kamag-anak. Sana kaya niyo sagutin ang lahat ng gastusin nila at kinabukasan ng mga pamilya nila…,” patuloy pa niya.

“Kaya para po sa inyo ang post na ito para paalala sa mga tuwang tuwa nagsara kami, sa 70 kongresistang bumoto sa pagdeny ng aming prangkisa at sa gobyerno nating puno ng galit at paghihiganti lang ang nasa isip at puso sa gitna ng magulo nang mundo at pandemya na dinaranas ng ating bansa.

“Kapamilya, kapit lang. Tiwala lang. Ang Diyos ay pinagdudahan, inalipusta, binaboy at tinalikuran din ng maraming nagtiwala sa Kanya kaya alam na alam Niya ang pinagdadaanan nating lahat ngayon. Hindi mananaig ang kasamaan kahit kailanman.

“MAHAL NA MAHAL KO KAYO. YAKAP NA MAHIGPIT! (CTTO) #KapamilyaFOREVER,” dagdag pang pahayag ni Nikki.

Read more...