Kukunan na ang lahat ng mga natitirang eksena ni Gerald Anderson at ng iba pang cast members dahil patapos na rin ito sa Agosto ngayong taon.
May hinaing naman ang isa sa cast ng serye na si Nash Aguas dahil sa tatlong linggo nilang pamamalagi sa Tanay ay tatlong beses lang daw siyang nakunan, sa madaling salita, isang beses lang sa isang linggo.
Katwiran ng aktor, sana raw inuna nang kunan ang lahat ng eksena niya para mas maaga siyang nakababa ng bundok dahil marami pa siyang kailangang asikasuhin dito sa Manila.
Personal kasing inaasikaso ni Nash ang Muramen business niya na nasa Makati City, Sampaloc at Pasig City kaya ito ang inaalala niya sa tagal niyang nawala.
Bukod dito ay hirap siyang makipag-usap sa mga taong pinagbilinan niya dahil pawala-wala ang signal sa Tanay.
Isa pang ipinag-alala ng aktor ay hindi man lang niya nadamayan o personal na nakasama ang kanyang girlfriend na si Mika dela Cruz sa pagkamatay ng ama nitong si Daddy Ernie dela Cruz kamakailan.
Malapit sa pamilya Dela Cruz si Nash kaya ikinasama rin ng loob niya ang hindi man lang nakasilip sa labi ng tatay ni Mika.
Naintindihan naman daw ng girlfriend niya ang aktor dahil nga nasa malayong lugar ito at bawal lumabas dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.
Sinusulat namin ang balitang ito ay malapit nang bumaba ng bundok ang cast sa pangunguna nina Gerald, Vin Abrenica, Elmo Magalona, Jerome Ponce, Yves Flores, Carlo Aquino at Sue Ramirez.
Nagsimulang umere ang “A Soldier’s Heart” noong Enero, 2020 at nahinto nga ito noong Mayo dahil sa inisyung cease and desist order ng National Telecommunications Commission sa ABS-CBN nitong Mayo 5 at muling umere ng Hunyo sa Jeepney TV, Yey, Cinemo pero tuluyan na itong ipinasara ng Kongreso nitong Hulyo 10 dahil hindi na binigyan ng bagong prangkisa.
Tuloy pa ring umeere ang “A Soldier’s Heart” sa iWant, YouTube, TFC online at iba pang digital platform ng ABS-CBN.