WALANG exclusive contract si Richard Yap sa ABS-CBN kaya walang problema kung lumipat man siya sa GMA 7.
May mga nam-bash kasi sa aktor at kumuwestiyon sa kanyang loyalty sa ABS-CBN nang mapanood siya sa Eat Bulaga ng Kapuso Network kahapon.
“With all due respect sa ABS-CBN at kahit walang kontrata si Richard personal siyang nanghingi ng blessing kina CLK (Carlo L. Katigbak), CVV (Cory V. Vidanes) at DTE (Deo T. Endrinal) para mag-guest sa Eat Bulaga.
“The episode taped last Wednesday (July 8) before ang hatol ng Congress sa ABS-CBN franchise bago umere nu’ng Sabado (Hulyo 11),” ang paliwanag sa amin ng manager ni Richard na si Kate Valenzuela (ng Kreativden).
Sumakto naman kasi sa mismong araw ng pagbaba ng desisyon ng Congress na hindi na bibigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN ang paglabas sa social media na lalabas sa Eat Bulaga si Richard para sa “Bawal Judgmental” segement ng show kaya inisip ng lahat na iniwan na ng aktor ang network na nagbigay sa kanya ng malaking break.
Paliwanag pa ng manager ng aktor, “Walang network contract si Richard sa ABS-CBN kaya puwede siyang mag-guest sa ibang TV network.”
Posible nga bang lumipat si Papa o Ser Chief sa GMA? “As of now walang offer, pero kung mayroon, why not? Wala naman kaming kontrata. May blessing naman kami from ABS-CBN,” sagot ni Kate sa amin.
Ipinagdiinan din niyang hindi naging parte ng Star Magic si Richard. Ang ABS-CBN management through sir Deo ang nag-manage ng career ni Richard simula nu’ng gawin nito ang seryeng “Binondo Girl” na sinundan ng “Walang Hanggan”, “Please Be Careful With My Heart” at marami pang iba.
Nagpaalam siya sa mga bossing ng ABS na magla-lie low muna dahil kumandidato siyang congressman sa Cebu pero hindi pinalad na manalo kaya muli niyang binalikan ang showbiz.
Napasama siya sa seryeng “Kadenang Ginto” na nagtapos noong Pebrero, 2020 bukod pa sa iba pang guestings sa mga programa ng ABS-CBN.