BINASAG ni Jona Viray ang mga bashers na nang-ookray sa kanya matapos magdesisyon ang Kongreso na huwag nang bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Pinatulan ng Kapamilya singer ang mga nagsabing mawawalan na siya ng career ngayong tuluyan nang ipinasara ang kanilang network.
Komento ng ilang netizens, yan daw ang napala ni Jona sa paglipat sa ABS-CBN at sa kawalan ng utang na loob sa GMA 7. Idinamay din ng mga haters ang iba pang Kapuso stars na naging Kapamilya tulad nina Regine Velasquez, Ogie Alcasid at Ryza Cenon.
Inaasahang maraming artista at production staff ng ABS-CBN ang matetengga nang matagal dahil nga sa naging dedisyon ng mga kongresista sa franchise application ng TV network.
Sa kanyang Twitter account, sinagot ni Jona ang mga basher na sa halip na makisimpatiya at malungkot sa pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN ay magpipiyesta pa sa sinapit ng istasyon.
“Sa mga tao pong nagsasabi sa kin na ‘mabuti nga sayo, lipat-lipat ka pa kasi, wala ka na trabaho, wala ka ng career..’
“Wow…that’s the kind of spirit Filipinos have? Nagsasaya sa kawalan ng iba?
“One thing i’d like to tell these people, just keep following and be updated [praying emojis],” sunud-sunod na tweet ng singer.
Ilang netizens din ang nagkomento na wala nang choice si Jona kundi ang magmakaawa sa GMA para magkatrabaho uli. May nagsabi rin na kinarma ang lahat ng mga Kapuso noon na lumipat sa Dos.
Bwelta ni Jona, “Definitely hindi sila part ng Team Jona [100 points emoji] maraming maraming salamat sa encouragement niyo [three heart emojis].”
Bago ito, nagpahayag din si Jona ng matinding kalungkutan at pagkadismaya sa tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN noong July 10.
“Maraming maraming salamat po, sa mga nagparamdam ng kanilang suporta at sa mga nakisimpatya at nagdasal, sa pagpapalakas ng aming kalooban sa gitna ng hamon na ito.
“July 10 may be the saddest day of 2020 for us, our hearts are broken and shattered… but we are looking forward to a NEW DAY where we can serve all of you again…Hanggang Sa Muli po mga Kapamilya,” mensahe ng dalaga.