Matapos ang naganap na botohan kahapon sa Congress para sa franchise renewal ng Kapamilya Network, 70 ang kumontra na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN at 11 naman ang gusto itong ma-renew.
Ang mga terminong ginamit sa franchise application ng ABS-CBN hearing ay “laid on the table or killed”.
“Alam n’yo sa totoo lang, pareho ninyo, ako’y nagulat. Kasi initially, maski sa mga pagdinig, alam ko kahit paano, maraming sumusuporta sa bill na ito na inilalaban namin,” simulang pahayag ng actress-politician sa panayam nina Peter Musngi at Pat-P Daza sa DZMM kagabi.
“Biglang, bakit kami kumonti ng ganito na lang? Very significant naman na bigla na lang kami naging 11. May mga ganyang palakad na kung minsan ay hindi natin basta matatanong o makukuwestiyon. Maski ako, hanggang ngayon, hindi ko ma-absorb, nahihirapan ako,” dagdag pa ng kogresista.
Pagpapatuloy pa ni Ate Vi, “Kaya tayo naninindigan nakita naman po natin na ‘yung mga iniisyu na violations, napatunayan din naman po ng national agencies na wala naman po talagang nalabag.
“Kung meron mang mga administratibong pagkukulang, ito naman po ay nako-correct. Meron naman po tayong proseso sa batas. Ang point ko, not to the extent na magsasara.
“Sabi nila, ginagawang shield iyong 11,000 employees. Let’s face the truth, more than 11,000 ang mawawalan na naman ng trabaho. With the present situation na hinaharap natin ngayon, ang dagok ng pandemyang COVID-19.
“Maski ako, hindi ko alam kung saan pupulutin ito ngayon, itong bansa natin.
“With the economy natin ngayon na naghihirap, walang trabaho, hindi ho ito madaling isipin,” mahabang paliwanag ng actress-politician.
Nang matanong kung ano ang nakikita ni Congw. Vilma na magiging buhay ng mga empleyadong mawawalan ng trabaho, dito na siya naging emosyonal.
“Yung sa akin lang po siguro, yung nasa isip ko lang po, yung mga kapwa ko artista, kahit paano makaka-survive ‘yan. Maraming opportunities ang pupuwedeng dumating sa kanila.
“Pero ang iniisip ko lang din po, yun talagang mga utility men, cameramen, yung mga make-up artists, yung mga ordinaryong empleyado.
“Hindi ganu’n kadali na sabihin na, ‘Wala ka nang trabaho ngayon, maghanap ka na bukas.’
“Hindi po ganu’n kadali yun. Again, let me reiterate, iba ang panahon ngayon. Hindi ngayon ang panahon na ang tao ay maging heartless.
“Iba ang buhay ngayon, mahirap ang buhay, ang daming walang trabaho. Ang daming nagsarang kumpanya,” pahayag ni Congw. Vilma.
Samantala, nabanggit din na puwedeng mag-file ng motion for reconsideration sa Legislative Franchises committee ang ABS-CBN in 20 hours o mag-apply ulit ng prangkisa ngayong buwan.
“I truly believe. I’m still very optimistic, we can re-file. Puwede naman po ‘yan later on. Sabi ko nga, hindi dito magsasara ‘yan,” saad pa ni Rep. Vilma.