Karugtong ito ng matapang at mahabang post ni Shawie sa Instagram kaugnay ng malilisyosong salita na ibinabato sa kanya ng mga netizens, kabilang na ang ilang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa unang bahagi ng IG post ni Mega, binasag niya ang mga trolls na nagsabing laos na siya kaya manahimik na lang at huwag nang sumawsaw pa sa mga issue sa gobyerno.
Aniya, “Ngayon lang nga ako nagalit ng ganito. Kasi ngayon lang mula nung naging Pangulo si Pres. Duterte kayo nauso at nauso ang mga masasagwa at di masikmurang mga salita ninyo sa kapwa.
“Parang wala nga kayong Diyos. Mga kampon yata kayo ni satanas eh. Walang takot. Nakakahiya. Yuck! Tapos tinatanong niyo ako kung disente ako? Hahahaha?”
Sa part 2 ng hugot post ni Sharon, sinabihan niya ang kanyang haters na ipagdarasal niya ang mga ito dahil naniniwala siya na mas matinding magparusa ang Diyos.
Narito ang matinding bwelta ni Mega: “Mas masahol pa kayo sa COVID19. Dahil makakahanap din ng vaccine para dyan at may gumagaling naman na marami-rami rin kahit paano at wala pang gamot. Eh kayo? Wala po kayong gamot. Awww…kawawa naman kayo.
“May sakit na sa kaluluwa na buhay pa kayo baka sinusunog na, wala na nga kayong puso, may incurable lason pa kayo sa utak. Ipagdarasal na lang kayo ng laos na ito. Ang Panginoon naman na tila binabastos at nalimot niyo nang nandyan at buhay na buhay, mas matindi magparusa kaysa sa tao lang.
“Kahit laos na ako at di na relevant at papansin – teka – pano ako naging papansin eh sa IG account ko ako at sa FB account ko at sa YouTube channel ko ako lumalabas? Bahay ko ang mga ito. Di ba kayo ang pasok ng pasok? Di naman kayo imbayted! Naku laos na laos na nga ako.
“Tama kayo. Kaya dapat di nyo na ako pansinin. Baka isipin ko pa natatakot kayo sa akin kasi ako, 42 years na akong may track record na TOTOO. Kayo lang ba ang makakasira sa akin? Luma na ang style nyo.
“Never ako matatawag na ‘dilawan.’ Obvious ba kahit nga party ng asawa ko yun wala ako noon? Pero parang si Mar Roxas at Bam Aquino lang nung kampanya yan. Balita ko araw-araw libo-libo kayong tumitira sa kanila. Pero exactly one day after elections, ZERO bashing ang natanggap nila. Buking na kayo.
“Sorry. Matatalino na ang mga nauntog na mamamayan. Ayuda muna bago trolling okay? Tumulong muna kaya kayo sa kapwa kesa kinakalyo kayo kakasira ng walang ginagawa sa inyo at pagtulong pa sa iba ang iniisip.
“Eh di may pinatutunguhan din pala ang kinagagalit ninyong yaman ko na hindi ninakaw o hiniram, excuse me. Ang Diyos, mabait sa inaapi. PinasaDiyos ko na po kayong lahat kaya payapa na po ang puso ko.
“Sorry po. Di nyo na po ako nagagalit. Nasasaktan ako noon sobra, hanggang narealize ko, eh teka- sino ba itong mga itong wala namang nagawang mabuti sa kapwa o naiambag sa bayan? Haaay…God forgive you!” pagtatapos ni Mega.