Naisipan kasi ng misis ni Robin Padilla na makipagpalit ng “buhay” sa isa niyang kasambahay, si Ate Erna na siyam na taon nang naglilingkod sa kanila bilang cook at helper.
Hindi na iba ang turing nina Mariel at Binoe kay Ate Erna at sa iba pa nilang mga kasama sa bahay. Pamilya na rin ang tingin nila sa mga ito.
Aliw na aliw ang mga netizens sa video nina Mariel at Erna kung saan pareho nga silang kumasa sa “switch challenge”.
Mapapanood sa vlog ni Mariel si Ate Erna na gumaganap bilang “amo” kabilang na ang pagigong mommy ni Isabella, ang anak nina Mariel at Robin.
Aliw na aliw ang mga viewers sa eksena kung saan nakikain ang TV host-actress sa kanilang helpers. Sarap na sarap ang misis ni Binoe sa pritong isda, gulat at kanin.
Hirit ni Mariel, “Masarap ‘yung kanin nila ah. Masarap ‘yung kanin namin ah!”
Humagalpak naman ang isa pa nilang kasama sa bahay nang magkunwaring nakatulog si Mariel habang kumakain. Ganito raw kasi ang malimit na ginagawa ng kasambahay kapag nagkakainan na.
Sa sumunod na eksena, si Ate Erna naman ang bumida. Akting na akting ito habang pinagagalitan si Mariel dahil kulang daw ang inihain nitong pagkain sa kanya.
Tuwang-tuwa naman ang kasambahay sa pinaggagawa nila ni Mariel, kahit paano raw ay na-relax siya sa pa-acting workshop ng kanyang amo.
“Super enjoy kasi si Isabella napaka genius niya. Napaka genius niyang bata. Kapag hindi ka marunong mag-Ingles, itutuwid ka niya,” ani Erna.
“Naka-relax ako ngayon sa araw na ito dahil nakaligo ako sa swimming pool. Nanghingi pa ako ng buko. Maraming salamat! Thank you very much sa lahat,” natatawa pa niyang pahayag sa vlog.
Para naman kay Mariel, hindi raw talaga biro ang trabaho nina Ate Erna kaya super thankful siya sa sakripisyo nito para sa pamilya nila ni Binoe.
“I was Erna and mahirap because number one, mainit. ‘Yun ang number one na kalaban, mainit,” ani Mariel na ang tinutukoy ay ang uniform ng kasambahay.
Hirit pa niya, “Tapos hindi pa tapos ‘yung isang task, may isang task na naman na kailangan gawin so kailangan talaga mabilis ka. Kailangan gamay mo lahat.”