WORK from home pa rin ang halos lahat ng nasa showbiz industry ngayon dahil sa patuloy na banta COVID-19 pandemic.
Napipilitan lamang lumabas ang ilan sa kanila kapag kailangan na uling bumili ng supplies.
Isa na riyan ang producer-director na si Chris Cahilig na nakatira lang malapit sa isang malaking mall kung saan madalas namin siyang makita noong normal pa ang lahat.
Nitong Miyerkoles ng gabi ay gigil na gigil niyang ipinost ang experience niya sa isang tindahan sa nasabing mall dahil sa pagiging pasaway ng mga staff.
Ayon kay direk Chris, “EKSENA KANINA SA MALL. Habang naghahanap ng props sa isang store kanina, napansin kong may mga staff ang store na ‘di tama ang pagsusuot ng masks.
“May isa pa ngang sumisigaw sa kasamahan n’ya habang nasa baba na n’ya ang kanyang mask. Mabuti na lang at nadaan ko s’ya sa tingin at agad n’yang tinakpan ng mask sa kanyang ilong at bibig.
“Habang tumitingin ako sa mga items, may isang lalaking lumapit sa pwesto ko na hawak-hawak ang kanyang mask. Tiningnan ko s’ya nang masama pero di s’ya tinablan kaya ako na ang lumayo. Bumalik na lang ako sa area nang makaalis s’ya.
“Pero mukhang gusto n’ya talagang bumingo sa akin kanina. Nang magbabayad na ako, nakita ko s’ya at ang kanyang kaibigan na nakikipaghuntahan sa kahera, inaamoy-amoy ang scented candles na on sale, habang ang kanilang masks ay nakababa o di kaya’y nakalaylay sa isang tainga.
“Kalmado ko silang sinabihan na magsuot ng kanilang masks at mag-observe ng social distancing. Pero barubal akong sinagot ng lalaki.
“‘COVID lang, masyado ka namang takot,’ hirit n’ya sabay ismid at amoy ng kandila.
“Uminit ang ulo ko. At kapag umiinit ang ulo ko, tiyak na may matatalas na mga salitang lalabas sa aking bibig na maririnig n’yo lang sa mga pelikula.
“’I’m Chris Cahilig. I’m sure you’ll remember my name because you’ll be thinking about it while you are dying in ICU’ banat ko gamit ang tono ng pagdeliver ni Cherie Gil sa kanyang infamous na linya sa ‘Bituing Walang Ningning.’
“Nanahimik ang tatlo sa kanilang narinig, dahan-dahang nagsuot ng masks, at lumayo sa isa’t isa. Pinagsabihan ko ang kahera na sa uulitin, kapag mahuli ko s’yang nakikipag-chikahan sa customer na walang mask, sisiguruhin kong viral s’ya sa social media at wala na s’yang trabahong babalikan.”
Nagpadala kami ng private message kay direk Chris kung anong tindahan ito at binanggit naman niya sa amin, “Ayoko lang isulat kasi baka ma-fire ang staff kawawa naman.”
Hindi ba sila aware na araw-araw ay tumataas ang bilang ng kaso ng COVID? Sabi nga ng gobyerno ay kanya-kanyang ingat na lang sa sarili.
Paano mahihinto ang nakamamatay na sakit kung marami ang hindi nag-iingat at hindi sumusunod sa health protocols?
Kaya sa lahat ng malls, pakisabihan ang lahat ng tenant ninyo na maging mahigpit sila sa kanilang mga empleyado dahil laging nasa huli ang pagsisisi.