MALUNGKOT na balita para sa lahat ng fans and supporters ng nag-iisang Queen of All Media na si Kris Aquino.
Hindi na kasi matutuloy ang pagbabalik-telebisyon ng TV host-actress sa TV5 tulad nang naunang napabalita nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa naglabasang chika, magsisimula na sana ang “Love Life With Kris Aquino” sa July 25 sa TV5 mula sa Positive Exposure Productions ngunit mukhang nagkaroon nga ng problema bago pa magsimulang umere ang programa.
Nag-post na si Kris sa kanyang social media account tungkol sa taping ng show kamakailan pero mukhang hindi na nga ito matutuloy matapos magkaroon ng problema.
“Maganda ang intensyon ng show ni Kris. Mas gusto niyang makapagpagaan, hindi maging pabigat. Yun sana ang show, magdala ng gaan at tulong,” ang sabi ng isang taong malapit kay Kris.
Ayon sa aming source, nagdesisyon si Kris na huwag na munang gawin ang talk show dahil, “Ang dami-dami nang problema ng mga tao, hindi na ako dapat dumagdag pa.
“Let’s let this battle go. There are ones worth fighting, this isn’t one of them,” ang pahayag pa umano ni Kris tungkol sa issue.
Ngunit sa kabila nito, umaasa pa rin ang management at producer ni Kris na magkakasundo sila ng TV5 at mapaplantsa pa rin ang ilang problema ng dalawang kampo.
Bukas ang pahinang ito sa paliwanag ng TV5 at ng producer ng bagong show sana ni Kris.