KUNG “hashtag nganga” ang karamihan sa mga artista ngayon, patuloy naman ang pagpasok ng pera sa kaban ni Alex Gonzaga.
Siguradong malaki pa rin ang kinikita ng TV host-actress kahit nasa bahay lang siya ngayong panahon ng pandemya, idagdag pa riyan ang problema ng ABS-CBN sa prangkisa.
Aktibo pa rin kasi si Alex sa pagiging vlogger at content creator sa YouTube kung saan milyun-milyon na ang kanyang subscribers. Meaning, posibleng milyones din ang kinikita niya mula rito.
More than 7 million na ang subscribers niya sa YouTube mula noong magsimula siya three years ago.
“Marami pa rin tayong trabaho. Kahit na nandito sa bahay, mayroon ka pa ring kailangang i-post,” pahayag ni Alex sa online show na “Rise and Shine” kahapon.
Dugtong pa niya, “We are very blessed ngayon as entertainers na kahit na nangyari itong sitwasyon na ito ay mayroon tayong kanya-kanyang platform at mayroong internet para at least may chance pa rin tayong maka-connect sa ating supporters.
“At the same time ay puwede pa rin tayong magkaroon ng income kasi nga puwede pa rin tayong makapagtrabaho,” chika ng sisteraka ni Toni Gonzaga.
“At least hindi ba, nagkakaroon tayo ng way kahit paano magkaroon ng income and makatulong rin tayo. We are blessed, so we should be a blessing to other people also,” hirit pa ng dalaga.
Samantala, feeling truly blessed din komedyana dahil kasama niya ang kanyang parents sa bahay during lockdown. Nabigyan daw siya ng chance na maka-bonding nang matagal ang pamilya bago siya ikasal.
“Okay naman ‘yung quarantine namin. Siguro naging way ito para siyempre for the longest time lagi kang umaalis dahil may work ka.
“So, ngayon mas naging close ka sa parents mo, sa bahay mo. Na-observe mo kung ano ang mga hindi mo napapansin.
“At the same time, siyempre alam niyo naman na engaged na ako. Parang ito ‘yung parang last moments in my singleness na kasama ko ang parents ko at nae-enjoy ko talaga,” kuwento pa ni Alex.