SUNOD-sunod na maiinit na joint congressional committee hearings ang naganap sa Kamara ( House of Representatives) sa mga nakalipas na araw, maski ito ay naka-adjourned na, upang talakayin ang iba’t ibang isyu tungkol sa nakabinbin na ABS-CBN franchise bill.
Nauna nang dininig sa nasabing joint committee hearings ang isyu tungkol sa citizenship ni Gabby Lopez. Si Gabby Lopez ba ay Filipino? Pwede bang mag may-ari at mangasiwa ng mass media ang Filipino na may dual citizenship? Ilan ito sa mga isyu na lumabas sa mga pagdinig.
Dininig din sa joint committee hearings ang tungkol sa Philippine Deposit Receipts (PDRs) na inisyu ng ABS-CBN Holdings Corp. sa mga foreigners at foreign corporations. Sinasabi na ito ay isang paglabag sa Constitution kung saan itinakda na ang pag-aari at pangangasiwa ng mass media ay para sa Filipino lamang o sa mga corporations na pag-aari ng Filipino.
Bukod dito, tinalakay at tatalakayin din sa joint committee hearings ang mga issues tungkol sa pag mamay-ari ng ABS-CBN sa panahon noong martial law, pagbayad ng ABS-CBN ng tamang taxes, issue tungkol sa mga manggawa nito, at mga iba pa.
Ang ganitong mga congressional hearings ay naaayon sa kapangyarihan ng Kamara para matulungan at magabayan ito sa pagbalangkas (formulate) at pagpasa ng isang batas.
Pero maraming nagtatanong kung kailan matatapos ang mga hearings na ito. At kapag natapos ito, ano na ang susunod o mangyayari?
Tanging ang mga kongresista o ang liderato ng Kamara ang makakapagsabi kung hanggang kailan ito maghe-hearing. Kung gugustuhin ng Kamara, maaari nitong pakinggan ang lahat ng mga reklamo laban sa ABS-CBN at ipatawag ang mga tao na maaring maging resource person sa pagdinig para magabayan ito.
Maaari rin naman putulin na nito ang mga hearings dahil sapat na ang kanilang napakinggan at kaalaman sa mga issues tungkol sa ABS-CBN franchise bill. Nasa tanging karapatan ( prerogative) lang ng Kamara kung magpapatuloy o ititigil ang mga joint hearings, at ito ay hindi pupwedeng dalhin o questionin sa korte dahil malalabag ang prinsipyo ng seperation of power.
Nasa tanging karapatan (prerogative) lang din ng Kamara kung ang ABS-CBN franchise bill ay ipapasa o ibabasura. Maaari nitong ibasura at huwag aprobahan ang ABS-CBN franchise bill kung sa pananaw nito ay may mga paglabag sa Constitution o sa batas, o sa dahilang political, dahil ito ang gusto ng partido o liderato, o anumang dahilan, maski hindi sapat.
Kung ganito ang mangyayari, tila wala naman magagawa ang ABS-CBN o sino pa man. Ang hindi pagbibigay ng legislative franchise sa ABS-CBN sa anumang dahilan ay isang political question na hindi pwedeng pasukin at pakielaman ng korte dahil sa prinsipyo ng seperation of power.
Kung ipapasa o hindi ang isang panukalang-batas, gaya ng ABS-CBN franchise bill, ay isang tanging karapatan (prerogative) lang ng Kongreso na hindi pupwedeng pakialaman ng korte. Ito ay isang political question na tanging ang Kongreso lamang ang pwedeng magdesisyon.
Kung ang batas na ipinasa ng Kongreso ay sumasang-ayon o labag sa constitution ay isa naman justiciable question na pwedeng pakielaman ng korte.
Kaya kung sakaling maaprobahan at maisabatas ang ABS-CBN franchise bill, pwedeng madala at ma-question ito sa korte. Dito, ang usapin sa constitutionality tungkol sa Philippine Deposit Receipts (PDRs), citizenship, ownership at mga iba pang mga issues laban sa ABS-CBN ay maaaring talakayin at desisyonan ng korte. At kung sa pananaw ng korte na ito ay labag sa constitution, maaari nitong ideklarang walang bisa ang legislative franchise ng ABS-CBN.
Kaya sa katanungan kung kailan matatapos ang mga congressional hearings tungkol sa ABS-CBN franchise bill at kung ito ba ay ibabasura o aaprobahan ng Kamara, tanging Kongreso lamang ang makakasagot nito. Ito ay dahil isa itong political question.