NGAYON ang huling isyu ng inyong pinakamamahal na Inquirer Bandera, ngunit huwag malungkot at manghinayang. Natitiyak ko na malakas ang magiging pagbabalik ng tabloid na umani na ng hindi mabilang na papuri at gumawa ng nakabibinging ingay dahil sa makatotohanang pamamahayag.
Nais kong sabihin sa mga utak ng Bandera na sina Dona Policar, Jimmy Alcantara at Frederick Nasiad na hindi ito goodbye, bagkus ay isang mainit na hello sapagkat asahan ang panibagong pakikipagsapalaran sa masalimuot na mundo ng pamamahayag.
Kayo pa!
Bagamat ako ay opisyal pa rin na nakadikit sa Philippine Daily Inquirer (mother company ng Bandera at numero unong pahayagan ng bansa) ay hindi ko maitatanggi na naging bahagi ng aking buhay ang Bandera sapagkat sa mga mabubunying pahina nito ay nabigyan buhay ang kolum na Peks Man. Mabubuting tao ang mga taga-Bandera at nararamdaman ko ang kanilang kalungkutan. I can feel you, peeps.
Huwag nating kalimutan na bagamat pinataob ng pesteng Covid-19 ang Bandera at ilan pang mga pahayagan ay nanatiling malusog ang ating mga isip at katawan. Salamat sa Poong Maykapal, we’re still alive and kicking. Ito naman ang pinakamahalaga sapagkat habang buhay ay may pag-asa.
Sa pamamagitan ng Peks Man ay nagawa nating abutin ang mga mambabasa mula sa ibat-ibang sulok ng bansa. At hindi naman pagsisinungaling kung aking sasabihin na nakiliti at naantig natin ang damdamin ng iba’t-ibang uri ng mga mambabasa. Nabuo ang friendship at hindi rin naman nawalan ng mga nasaktan ng damdamin dahil na rin sa pagnanais nating ilabas ang katotohanan.
Bonus na ang mga konkretong pagbabagong nangyari dahil sa Peks Man.
Hindi naman mahirap intindihin ang Peks Man.
Noon pa man ay naniniwala ako to write simply upang higit na marami ang makaintindi. Ito naman ang aking guiding light mula noong mamulat ako sa larangan ng pagsusulat. Hindi niyo na kailangang i-Google kung ano ang ibig kung iparating.
Makulay ang kasaysayan ng Bandera at sa ilalim ng manedsment at sa kumpas ni Dona ay napanatili nito ang “Buenas, Balita, Chika” na pinatamis ng mga balitang isports, opinyon na parehas, napapanahon at siyempre mga lathalain na makukunan ng mabubuting asal.
Kumpleto rekado ang Bandera na nakipagsabayan sa mga iba’t-ibang pahayagan partikular sa Visayas at Mindanao.
Mahuhusay at may mga integridad ang Tropang Bandera at natitiyak kong hindi magiging matagal ang kanilang mga bakasyon. Sa tingin ko ay babalik silang higit ang sigla, determinasyon at kaalaman upang ipagpatuloy ang misyon sa nation building. Tandaan, ang salitang respetado.
No tears. Life goes on.
DASAL KAY BUTCH, MON
Nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pagdarasal sa mabilisang paggaling ng mabutihing maybahay ng mabuti at matuwid na chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) na si William ‘Butch’ Ramirez. Bagamat naharap sa matinding pagsubok ay mahusay na giniyahan ni Chairman Ramirez sa tulong ng mga commissioner na sina Mon Fernandez, Charles Maxey, Celia Kiram at Arnold Agustin ang ahensya sa gitna ng hamon ng coronavirus.
Nananatiling nakapokus ang ahensya sa kapakanan ng mga atleta. Sa aking memorya, sa panahon ni Ramirez ay tunay na nabigyan ng pansin ang mga nasyonal. Tama ba ako Nesthy Petecio, EJ Obiena, Hidilyn Diaz, Caloy Yulo, Ernie Gawilan at marami pang mga atleta na nagbibigay at patuloy na magbibigay karangalan sa bansa sa iba’t-ibang tanghalan.
Hindi umurong si Ramirez sa hamon ng Covid-19 ngunit hindi ko siya masisisi bagkus ay nadagdagan ang aking tiwala sa kanyang leave of absence bilang chairman ng PSC upang alagaan at tiyaking mabilis ang paggaling ng kanyang maybahay. Pinakita ni Chairman Butch ang kanyang tunay na pagkakatao—mapagmahal siyang asawa at tunay na haligi ng tahanan.
Officer-in-charge ng PSC si Mon Fernandez na isang alamat sa larangan ng palakasan, partikular sa larong basketbol. Dahil sa may pusong atleta ay hindi na ako magugulat kung malapit ang puso ni Mon sa mga atleta. Bagamat hindi pa normal ang sitwasyon ay trabaho agad ang inatupag ni Maxi Green. Nakapokus siya sa pambato natin sa Olympics.
Siyempre pa, teamwork pa rin ang kailangan upang patuloy na magtagumpay ang PSC. Nasa mabuting kamay ang ahensya kay Mr. Elegant Shot.
Sulong Atletang Pinoy!
BAHAM-ABUTI
Mabuti na lang at may chairman Baham Mitra ang Games and Amusements Board (GAB).
Dahil sa kanyang mabilis na pagkilos ay hindi napapabayaan ang pro sports. Matiyagang hinintay ng sikat at mapapagkatiwalaang mambabatas mula sa Palawan ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang unti-unting mabuksan ang pro sports.
Gumawa ng paraan si chairman Baham upang maipaliwanag sa IATF ang mga bagay na ginagawa at handang gawin ng ahensya upang tiyakin na hindi kakalawangin ng husto ang mga atleta. Dahil sa kanyang husay ay bukas na ang mga kilalang palakasan tulad ng basketbol, football atbp. Siyempre pa, susundin pa rin ang mga health protocol na tinakda ng IATF.
Malabo pa ang pagkakaroon ng live audience kung sakaling matuloy na muli ang PBA ngunit ang mahalaga ay nagsimula na ang maliliit na hakbang.
Tiyakan ko ring sasabihin na tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ni Mitra sa IATF upang mabigyan linaw ang mga tanong tugkol sa boksing at iba pang contact sports na nasa ilalim ng GAB.
Huwag mawalan ng pag-asa.
Goodbye, hello!
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...