Kawal, 3 pa patay sa barangay police

 

NASAWI ang isang sundalo, dalawang militiaman, at isang sibilyan nang pagbabarilin ng mga umano’y miyembro ng barangay police sa Tipo-Tipo, Basilan, kagabi.

Naganap ang insidente apat na araw lang matapos mapatay sa pamamaril ng mga pulis ang apat na sundalo sa Jolo, Sulu, noong Hunyo 29.

Nasawi si Pfc. Mark Anthony Monte, mga miyembro ng Civilian Active Auxiliary na sina Sony Akkay at Alibasa Antaas, at sibilyang si Kong Oging, ayon sa ulat ng Bangsamoro regional police.

Inulat naman ng Armed Forces Western Mindanao Command na may apat pang nasugatan, na kinabibilangan ng dalawa pang miyembro ng CAA at dalawang sibilyan.

Sinasabing naganap ang insidente dakong alas-9:30, sa Brgy. Bohe Lebbung.

“Initial investigation indicated that the motive might be personal grudge,” sabi ni Maj. Arvin Encinas, tagapagsalita ng Wesmincom.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na bago ang pamamaril ay kinumpronta ni Monte ang isang Karim Manisan na miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at saka nagtungo sa isang tindahan.

Kasunod nito’y bumalik si Monte sa kanilang detachment kasama sina Akkay at Antaas, at doon na sila pinaputukan ng grupong kinabibilangan ni Manisan.

Kabilang umano sa grupo ang ilan pang miyembro ng BPAT at isang Lito Manisan.

Agad nasawi sina Monte, Akkay, Antaas, at si Oging, na naipit lang sa insidente, ayon sa pulisya.

Sinundo na ng Army ang mga labi ni Monte, habang ang mga labi nina Akkay, Antaas, at Oging ay sinundo ng kani-kanilang pamilya.

Dinala naman ang sibilyang si Randy Ibbung sa isang pagamutan sa Lamitan City dahil sa mga tinamong pinsala.

Read more...