Internet service provider may magagawa vs online exploitation
MALAKI umano ang maitutulong ng mga internet service provider upang mapigilan ang online exploitation at pagkalat ng child pornography.
Ayon kay Rizal Rep. Fidel Nograles dapat ay magkaroon ng teknolohiya ang mga internet service providers upang matigil ang online sexual exploitation ng mga bata na tumaas sa panahon ng community quarantine.
“Lubos po tayong nababahala sa mga datos na ito. Kawawa po ang mga bata. This is an urgent issue that we need to address,” ani Nograles, na nagsanay ng abugasya sa Harvard.
Batay sa datos ng Department of Justice – Office of Cybercrime may naitalang 279,166 kaso ng online sexual exploitation of children mula Marso 1 hanggang Mayo 24.
Malayo ito sa 76,561 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2019.
“Naging barrier din ang ECQ sa pag-detect ng mga kaso ng child sexual exploitation dahil nakakulong ang mga biktima sa kanilang mga bahay at hindi nila nakikita ang mga maaaring mapagsumbungan kagaya ng mga guro,” saad ni Nograles.
Kailangan umanong pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mga kasong ito.
“Umaasa akong pagtutuunan ng agarang atensyon ang isyu na ito hindi lang ng Kongreso, kundi ng buong pamahalaan. Nakakapanlumo ang ganitong mga pangyayari. We must protect our children.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.