NANG dahil sa mahigit tatlong buwan na community quarantine sa bansa, nagtagumpay si Dingdong Dantes na malabanan ang isa sa kanyang greatest fear.
Yan ay walang iba kundi ang takot niya sa mga daga.
Naikuwento ng lead actor sa Kapuso series na “Descendants of the Sun” ang tungkol sa naging face-off nila ng isang dagang umaaligid sa kanilang lanai area.
Isa nga sa mga natuklasan niya sa kanyang sarili ngayong quarantine ay ang kakayahang malabanan ang takot sa daga.
Sabi ng Kapuso Primetime King, “Sobrang matatakutin ako sa daga. As in talagang kapag may nakita akong daga o may malaman lang ako na mayroon sa tabi-tabi, magpi-freak out ako.”
Ngunit ibang-iba na raw ngayon, “Pero isang takeaway doon is, naging kaibigan ko na ‘yung isang malaking daga na umaaligid sa bahay namin kasi nakaya ko na mag-stand off sa kanya ng mga at least 3 seconds kasi ‘di siya umuurong, e.
“At least ngayon meron na kaming mutual respect kasi talagang inuurungan ko siya dati. Mukhang okay na naman kami,” natatawang kuwento pa ng tigasing mister ni Marian Rivera.
* * *
Lubos ang pasasalamat ni Jon Lucas sa pagmamahal at pagtitiwala na binibigay sa kanya ng GMA Network simula nang maging ganap siyang Kapuso last year.
Isa sa mga ipinagpapasalamat ng Kapuso actor ay ang pagkakataon na binigay sa kanya na maging parte ng star-studded cast ng Philippine adaptation ng “Descendants of the Sun.”
Dito ay nakatrabaho niya sina Dingdong Dantes at Jennylyn Mercado, “Dumating na ang isa sa mga bagay na ikararangal ko bilang Kapuso, na ako po ay napagkalooban ng pagkakataon na makasama sa isang proyekto ang ating Big Boss na si Sir Dingdong at ang nag-iisang Jennylyn Mercado.
“Yun po siguro ang nakaka-proud na moment as of now as a Kapuso,” aniya.
At dahil ipinagdiriwang ng istasyon ang ika-70 anibersaryo nito, dasal ni Jon na magpatuloy ang tagumpay at paghahatid ng serbisyong totoo ng kanyang home network.
“Sa GMA po at sa atin pong mga Kapuso, unang una, ako po ay nagpapasalamat sa ating Panginoong Diyos dahil patuloy niyang binibigay sa atin ang tagumpay.
“Sana po ay patuloy pa po Niya kayong gantimpalaan ng mga biyaya para po marami pa po kayong matulungan at para patuloy po na maisagawa ang paghahatid ng serbisyong totoo.
“Patuloy po kayo mag-iingat at sana mahayag pa sa buong mundo at sa ating mga kababayan na ang GMA ay tunay na Kapuso nila habang sila ay nabubuhay,” dagdag niya.