Wendell napalaban agad bilang bumbero: I think tama ‘yung ginagawa ko ngayon sa buhay ko

NABINYAGAN na ang Kapuso actor na si Wendell Ramos bilang isang bumbero.

Napasabak ang “Prima Donnas” star sa isang sunog na naganap sa Valenzuela City kamakailan kung saan P15 milyong halaga ng mga ari-arian ang natupok.

Hindi raw maipaliwanag ni Wendell ang kanyang naramdaman nang personal na makita ang sunog bilang isa sa mga rumespondeng volunteer firefighter.

Pero aniya, isa lang ang siguradong naisip niya noong mga sandaling yun, tama ang desisyon niyang maging bumbero.

“Felt sorry for the people and the community we responded today,” ani Wendell.

“When you’re working as a team and alam mo ‘yung mga kasamahan mo hindi ka iiwan, at alam n’yong tama ‘yung ginagawa n’yo para may mailigtas kayo, may matigil kayong disaster, gagawin n’yo po lahat,” aniya.

“Hindi ako perpekto pero I think tama ‘yung ginagawa ko ngayon para sa buhay ko. Ang pribilehiyo ng pagiging boluntaryo is ‘yung nagte-thank you ang tao sa ‘yo na nakatulong ka sa kanila,” pahayag ni Wendell sa panayam ng GMA.

Aniya pa, “Nu’ng bata ako, gusto ko maging pulis hanggang sa dumating gusto ko maging Army.

“Ito, totoo ‘to na tama ‘yung naging desisyon ko sa mga naging bucket list ko pulis, bumbero, Army, so naging tama.

“Hindi ko rin alam, e. ‘Yung timing ng pagbubumbero ko parang eksakto rin dito sa nangyayari sa sitwasyon ng mundo natin at ng bansa,” lahad pa ng aktor.

“To be honest, nu’ng panahon ng pandemic hindi ako nakalabas. Sabi ko sa wife ko, ‘Ano pa pwede kong gawin?’

“Mayroon akong ipon, mayroon akong tabi pero hindi ko lahat maibigay. Ano pa ang pwede kong maibigay sa tao to give back dahil kahit paano nu’ng time na nagkaroon ng pandemic nakakain ako nang maayos,” sey pa ng leading man nina Aiko Melendez at Katrina Halili sa Kapuso series na “Prima Donnas.”

Sabi pa ni Wendell, tuluy-tuloy pa rin ang training niya bilang miyembro ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP), kabilang na rito ang pag-rescue at iba pang mahahalagang trabaho ng isang bumbero.

Read more...