NAGLULUKSA sa pagkamatay ng “kambal”. Ganyan ang nararamdaman ngayon ng Eat Bulaga host na si Allan K sa pagsasara ng dalawa niyang comedy bar.
Napakasakit para sa TV host-comedian ang naging desisyon nila na itigil na ang operasyon ng Zirkoh at Klownz na 18 taon ding nagbigay saya at aliw sa publiko, nang dahil sa pandemya.
“Hindi natin alam kung hanggang kailan (ang COVID-19 pandemic). Kaysa naman lumaki nang lumaki ‘yung babayaran namin sa renta and iba pang expenses, better yet i-close na lang talaga,” pahayag ni Allan K.
“Para kang namatayan ng anak. Kambal na anak pa, Klownz at Zirkoh, dalawa. Malungkot kasi naging bahagi na ‘yon ng buhay ko for 18 years. Gabi-gabi akong nandu’n, nagpupuyat.
“Totoo pala talaga ‘yung dalawang mukha ng showbiz, ng entertainment. Isang masaya, isang malungkot. Pero this time, ito ‘yung pinakamahabang malungkot na mukha,” aniya pa.
Nauna nang sinabi ni Allan na babayaran nila ang unpaid salary at 13th month pay plus cash assistance ang nasa 100 staff nila sa dalawang comedy bar pero hindi na nila maibibigay ang separation pay dahil wala na silang sapat na pondo.
“’Pag siguro natapos na ‘yung pandemic na ‘to, pwede naman sigurong magbukas ulit ng bagong comedy bar. Ito talaga ‘yung negosyong gusto ko, e. Ito talaga ‘yung negosyong alam na alam kong patakbuhin kahit pikit ako,” lahad pa ni Allan K.
Samantala, para ring namatayan ang mga stand-up comedian ng Klownz at Zirkoh dahil mawawalan na rin sila ng regular na trabaho, kabilang na riyan sina Boobay at Philip Lazaro.
“’Yung Klownz at Zirkoh ang nagbigay sa amin ng pagkakataon na makapag-tour sa iba’t ibang mga bansa, mapuntahan ‘yung mga bansa na hindi naming inakala na mapupuntahan namin. Pamilya na rin talaga ‘yung turingan namin,” pahayag ni Boobay sa panayam ng GMA.
Ayon naman kay Philip, “Diyan ako nagsimula. I’m a different person if I’m on stage. Kasi iba ang stand comedy. Ang reaction is instantaneous.”
Pero positibo pa rin si Philip na babalik pa rin sila sa tamang panahon, “Nag-iimbak na kami ng mga bagong jokes. Imposibleng mawala ‘yang laughter sa katawan ng tao.
“Don’t worry, kapag nagkita-kita tayong muli, we will not just bring laughters into your faces but also smiles into your hearts,” aniya pa.