HINDI ang kawalan ng preparasyon ang pinakamalaking problema ng Philippine men’s basketball team na hangad ang maayos na paghahanda para sa 2023 FIBA World Cup.
Ito ang paniwala ni Barangay Ginebra Gin Kings head coach Tim Cone na nagsilbing mentor ng Gilas Pilipinas squad na inuwi ang gintong medalya sa 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa bansa.
Ayon sa 22-time PBA champion coach ang kawalan ng tuloy-tuloy na programa ang makakasira sa pagsulong nito.
“It’s not necessarily about preparation,” sabi ni Cone sa ginanap na Coaches’ Unfiltered podcast kamakailan. “We use that term a lot that we don’t prepare. If you keep a team continuously over the years that’s preparation in itself.”
Naiintindihan din ni Cone ang bigay ng ekspektasyon tuwing sumasabak ang national team sa mga international tournament.
Hinawakan niya ang Centennial Team na nakapag-uwi ng bronze medal sa 1998 Asian Games bago pinamunuan noong isang taon ang Gilas para mapanatili ang korona sa Southeast Asian Games.
Sinabi ni Cone na ang pag-unlad ng koponan ay nangangailangan ng pagtitiyaga na nangangahulugan na ang tagumpay ay hindi agad-agad makakamit. Sinabi niya na ang national team program tulad ng coaching ay kailangang matuto at lumago.
“Coaching is all about failing and achieving,” sabi ni Cone. “If you’re looking for that instant gratification then you’re not growing, you don’t get the chance to grow and learn and you don’t give your people the chance to learn and grow and that’s what I’ve always felt about the national team.”
Sa nakalipas na dekada, ang national team ay hinawakan nina Rajko Toroman, Tab Baldwin, Chot Reyes at Yeng Guiao. Pinamunuan ni Reyes ang Gilas sa FIBA World Cup noong 2014 bago pinalitan ni Baldwin ilang buwan ang nakalipas. Si Baldwin ay kasalukuyang nagsisilbing director ng Gilas Pilipinas program.
Ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay hindi pa kumukuha ng a full-time coach para sa kanilang programa.
“It’s a lack of continuity. I think the teams and the guys that stayed the longest like [Toroman] … had some good success. [Toroman] developed that program and developed that team,” sabi pa ni Cone.
Sinabi ni Cone na ang koponan ni Reyes ay nangailangan ng lima hanggang anim na torneo bago ang hindi malilimutang pagsabak sa Spain.