ANG makakakuha na lamang ng student permit, new driver’s license at additional restriction code sa Land Transportation Office ay ang mga sumailalim na sa driving course.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante magsisimula sa Agosto 3ang pagtanggap ng ahensya ng aplikasyon para sa mga bagong kukuha ng lisensya.
Maaaring kumuha ng 15 oras na driving course sa mga LTO-accredited driving schools, authorized driving school instructors/administrators, at LTO-Driver Education Centers (DECs) na nasa mga tanggapan ng LTO.
Pagkatapos ng kurso ay magpapadala ang accredited driving school at DECs ng Theoretical Driving Course (TDC) o Practical Driving Course (PDC) Certificates sa LTO-IT system.
Nilinaw naman ng LTO na hindi na kailangan ng TDC o PDC para makakuha ng Philippine driver’s License ang isang dayuhan na may Foreign Driver’s License.