Sakay ng bangkang nasalpok ng barko na-trap?

TINITINGNAN ngayon ng Coast Guard ang posibilidad na na-trap sa ilalim ng sinakyan nilang bangkang pangisda ang 14 kataong nawawala, matapos itong masalpok ng Hong Kong-registered cargo ship malapit sa Occidental Mindoro noong nakaraang linggo.

Ayon kay PCG spokesman Commo. Armand Balilo, tumaob ang F/V Liberty 5 matapos masalpok ng M/V Vienna Wood kaya posibleng napunta sa ilalim ang mga sakay ng una.

Ibinigay ni Balilo ang pahayag matapos ianunsyo noong Miyerkules na wala pang natatagpuang survivor o bangkay malapit sa Liberty 5.

Ayon sa opisyal, tinatayang 2,000 metro ang lalim ng dagat sa palibot ng Liberty 5 kaya di basta-basta masisid kahit ng technical divers, na maaari lang sumisid hanggang 100 metro.

Sa kabila nito’y nagpapatuloy naman aniya ang paghahanap ng Coast Guard para sa mga sakay ng Liberty 5, gamit ang BRP Boracay, BRP Malapascua, at MCS-3009.

Bukod sa pinangyarihan ng insidente na malapit sa Brgy. Tayamaan, Mamburao, saklaw din ng search and rescue operation ang mga bahagi ng dagat na nasa may Brgy. Caminawit, San Jose, hanggang sa bayan ng Calintaan, ayon kay Balilo.

Read more...