Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Barako Bull Energy vs Meralco Bolts
6:30 p.m. Petron Blaze vs Barangay Ginebra
MAGPUPUGAY si Renato Agustin bilang interim head coach ng Barangay Ginebra San Miguel sa laban kontra Petron Blaze sa 2013 PBA Governors Cup mamayang alas-6:30 sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Pilit namang sisikwatin ng Meralco Bolts ang ikalawang sunod na panalo kontra Barako Bull sa unang laro sa ganap na 4:15 p.m.
Si Agustin ay itinalaga bilang interim head coach ng Gin Kings kapalit ni Alfrancis Chua na nag-file ng leave of absence hanggang sa dulo ng season.
Kinuha ng Gin Kings bilang import si Dior Lawhorn na makakatunggali ni Elijah Millsap, isa sa itinuturing na exciting na import sa torneo.
Si Millsap ay nagtala ng 24 puntos sa kanyang unang laro subalit natalo ang Petron sa Meralco, 89-83, noong Biyernes.
Idinagdag din ng Gin Kings sa lineup ang Gilas Pilipinas center na si Japeth Aguilar na nakuha buhat sa Global Port kapalit ni Yousef Taha.
Ang Barangay Ginebra San Miguel ay pamumunuan ng reigning Most Valuable Player na si Mark Caguioa na susuportahan nina Jayjay Helterbrand, Kerby Raymundo at Chris Ellis.
Ang Petron Blaze, na ngayon ay hawak ni coach Gelacio Abanilla III, ay huhugot ng lakas kina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz at Marcio Lassiter.
Pinabalik ng Meralco ang datihang import na si Mario West na bagamat isang beses lang nakapagensayo matapos halinhan ang original choice na si DJ Kennedy ay gumawa ng 23 puntos sa panalo kontra Boosters.
Si West ay sinuportahan ni Reynell Hugnatan na nagtala ng 20 puntos. Nagbida rin sa larong iyon sina Chris Ross na gumawa ng 14 at Sunday Salvacion na may 13.
Sinayang ng Barako Bull ang 15-puntos na kalamangan at natalo sa Talk N’ Text sa overtime 118-113. Maganda ang naging performance ng import na si Michael Singletary ng Barako Bull na nagtapos ng may 41 puntos.
Subalit sa dulo ng regulation period ay pinulikat na ito at halos hindi na napakinabangan.