LABING-APAT katao ang nawawala matapos umanong salupkin ng isang Hong Kong-registered cargo vessel ang sinakyan nilang bangkang pangisda, sa bahagi ng dagat na sakop ng Occidental Mindoro, kahapon.
Pinaghahanap pa ngayon ang 14, na kinabibilangan ng kapitan ng F/V Liberty 5, mga kapwa niya mangingisda, at dalawang pasahero, sabi ni Commo. Armand Balilo, acting deputy chief ng Coast Guard Staff for Civil Relations Service.
Ang Liberty 5, isang bangkang pangisda na nakabase sa Palawan, ay naglalayag mula Cagayan De Tawi Tawi patungong Navotas City fishport nang masalpok ng bulk carrier na M/V Vienna Wood.
Nabatid na ang Vienna Wood naman ay galing Subic at patungo sana noon sa Australia.
Batay sa ulat ng PCG, naganap ang insidente ala-1 ng madaling-araw Linggo, sa layong 14.57 nautical miles timog-silangan ng Brgy. Tayamaan, bayan ng Mamburao.
Malakas umano ang alon nang masalpok ang bangkang pangisda.
Ang kapitan ng Vienna Wood ang nag-ulat ng insidente sa mga awtoridad, ayon kay Balilo.
Nagsasagawa ngayon ng search and rescue operation ang PCG sa paligid ng Mamburao, gamit ang BRP Boracay, isang Islander plane, at Airbus H145 helicopter.
Magpapadala ng isa pang multi-role response vessel para paigtingin ang paghahanap sa mga naiulat na nawawala, ani Balilo.
Kaugnay nito, ineeskortan na ng PCG ang Vienna Wood at 20 tripulante nito patungong Batangas, para sa imbestigasyon.