ANG pagiging mayaman o milyonaryo ba ay naggagarantiya na hindi sila magnanakaw, dahil sobra-sobra na ang salapi nila?
Maaari bang gamiting depensa ang pagiging mayaman o milyonaryo ng isang taong inirereklamo sa pagnanakaw o ano pa mang paglabag sa batas?
Hindi na kailangan pang sabihin na walang batas na nagtatakda o nagsasabi na ang mayaman ay hindi maaaring magnakaw dahil sila ay mayaman na o sobra-sobra na ang kanilang salapi. Gaya ng mayayaman, wala rin naman batas na nagtatakda o nagsasabi na ang mga mahihirap ay maaaring magnakaw dahil nga sa kanilang kahirapan.
Hindi rin katanggap-tanggap na gamiting depensa ng mga mayayamang nakasuhan o kakasuhan ng pagnanakaw ang kanilang pagiging mayaman o sobra sa salapi. Tulad din ng mga mahihirap, hindi pwedeng gamitin ng nagreklamo o prosecution ang pagiging salat sa yaman o kahirapan ng mga mahihirap upang patunayan na sila ay magnanakaw o maaaring magnakaw.
Sa ilalim ng Constitution, ang mayaman at mahirap ay dapat ituring na pantay-pantay sa batas. Ang pagiging mayaman o mahirap ay hindi kailanman nagbibigay ng pagpapalagay (presumption) na hindi sila magnanakaw o sila nga ay magnanakaw.
Ang pagiging mayaman o mahirap ay hindi maaaring maging pamantayan upang sabihin o patunayan ang pagnanakaw. Ang pagnanakaw o maaaring pagnanakaw ay malalaman lamang base sa ebidensya na ipepresenta ng nagreklamo at nireklamo at hindi sa katayuan sa lipunan ng tao.
Ang pagnanakaw ay maaaring gawin ng isang milyonaryo o mahirap.
Sa mga salat sa yaman, huwag magnakaw at magsamantala. Magsikap at mabuhay ng marangal!
Sa mga taong mayayaman o sobra sobra na sa salapi, huwag maging ganid!
Ang sabi nga ni Senator Claro M. Recto, MILLIONAIRES, DON’T STEAL (not millionaires don’t steal)