“KAILANGAN matuto ka munang magpatawad, kasama na ang sarili mo for being an impakta!” ‘Yan ang isa sa mga naging pahayag ni Judy Ann Santos sa emosyonal na farewell presscon ng Huwag Ka Lang Mawawala.
Bago pa man akusahan si Juday ng walang utang na loob sa ABS-CBN dahil nga sa kung anu-anong isyung lumalabas sa biglaang pagtatapos ng serye nila nina Sam Milby at KC Concepcion, nagsalita na ang Queen of Pinoy Soap Opera, dito nga niya inamin na totoong masama ang loob niya sa Kapamilya network dahil sa maraming dahilan, kabilang na diyan ang pabagu-bago ng timeslot ng HKLM.
“Yung utang na loob ko with ABS hindi naman talaga matatawaran yun kahit kailan. Hindi ko naman ikinakaila sa mga tao na malaking bahagi ang ABS sa karera ko at sa personal kong buhay.
Wala ako sa kinalulugaran ko ngayon kung hindi sa tulong ng ABS pero sa lahat naman ng magkakapamilya di ba dumarating kayo sa puntong hindi kayo nagkakaunawaan pero para sa akin lahat ng pinagdadaanan natin may dahilan, may rason,” ani Juday.
“Ang rason ko lang ngayon siguro pinaparamdam lang din ng Diyos na lahat pwedeng magbago na wag tayong bumase sa pangalang ipinatong sa ulo, lahat tayo nagtatrabaho lang,” dagdag pa ng misis ni Ryan Agoncillo.
Hirit pa ng aktres, siguro kung nangyari raw ang lahat ng ito noong bata-bata pa siya, baka raw nakagawa na siya ng desisyon na maaari niyang pagsisihan sa bandang huli.
“But since I am a mother, I am a wife and I want to say that I am professional with what I do, I would decide where my heart would be happy and me as an actor as well,” sey pa ni Juday.
Diretsahan din niyang sinabi na totoong meron siyang kinimkim na sama ng loob sa ABS-CBN, inilarawan pa nga niya ang relasyon niya sa network na “love-hate-love-hate relationship”.
“Siguro nu’ng mga nakaraang linggo, oo. Hindi ko itatanggi yan. Alam niyo naman yan, very vocal ako. Nakakatawa naman kung sasabihin ko na never na sumama ang loob ko.
Pero naiintindihan ko, it all boils down to the fact na trabaho ito at bilang network kailangan rin nilang isipin yung mga dapat nilang gawin na steps.
“Ako naman bilang actor kailangan kong isipin yung magiging premium ko sa tao at yung premium ko sa sarili ko. It’s two different things na kailangan kong itawid sa management,” pagpapatuloy pa ni Juday.
Sa farewell presscon din ng Huwag Ka Lang Mawawala in-announce ng Dreamscape Productions nina Deo Endrinal at Biboy Arboleda ang pagkakapili kay Juday bilang host ng Pinoy franchise ng hit reality game show sa Amerika na Bet On Your Baby, pero hindi pa ito tinatanggap ng aktres.
“No, projects are there lahat sila naka-line up it was me who said na I have to stop, I have to think. I have to recharge kasi gusto ko pagnagumpisa ako ng project it’s a new beginning yung napatawad na, nakapagpatawad ka na sa mga tao.
Ikaw mismo sa sarili mo na-forgive mo na yung sarili mo for being an impakta. “Siguro gusto ko munang kalmahin ang sarili ko kasi ayoko naman yung moment na ganito eh.
Ayoko yung moment na nagiging impakta ka. So kailangan ko munang bumalik sa zero para mag-start ako ng bago,” litanya pa ng aktres.
Samantala, sunud-sunod na shocking revelations na ang mapapanood sa huling linggo ng Huwag Ka Lang Mawawala na napapanood pagkatapos ng Muling Buksan Ang Puso sa Primetime Bida ng ABS.
Ayon kay Juday, sa kabila ng mga issue, tiniyak nilang mapapanganga pa rin ang televiewers sa nalalabing episodes ng kanilang serye, “Dugo’t pawis pa rin ang ibinigay namin para hindi kami mapahiya sa lahat ng sumubaybay sa amin mula noong magsimula kami.
Kaya sa last week ng Huwag Ka Lang Mawawala, hinding-hindi kami mapapahiya!” Kasama pa rin dito sina Tirso Cruz III na may malaking pasabog sa ending, Coney Reyes, Susan Africa, Matet de Leon, Joseph Marco, Empress at marami pang iba.
( Photo credit to Google )