NAGBABALA ang isang inter-governmental team ng United States ukol sa banta sa data security ng planong undersea cable connection sa pagitan ng US at Hong Kong.
Ipinababasura ng US Committee for the Assessment of Foreign Participation in the United States Telecommunications Services Sector sa Federal Communications Commission (FCC) ang bahagi ng undersea cable proposal ng Pacific Light Cable Network (PLCN), isang Chinese firm, na magdurugtong sa US at Hong Kong.
Ang US committee na tinatawag ding Team Telecom ay binubuo ng Department of Homeland Security (DOH) at ng Department of Defense (DOD) sa pangunguna ng Department of Justice’s National Security Division, Foreign Investment Review Section.
Noong Hunyo 17 ay inirekomenda ng Team Telecom ang partikular na pagbasura sa US-Hong Kong undersea cable connection sa gitna ng pangamba ng digital at technology security threat at ng umiigting na alitan sa pagitan ng Trump administration at ng China.
Sa kabila ng marahas na mga protesta para sa kalayaan na kumukubkob sa Hong Kong, naniniwala ang Team Telecom na walang magagawa ang Hong Kong kundi ang sumunod sa intelligence-gathering at surveillance orders ng China.
Ginawa ng Team Telecom ang kanilang rekomendasyon base sa pagtasa na ang submarine cables ay napakahalagang elemento ng global communications critical infrastructure, na nagdadala ng karamihan sa world’s internet, voice, at data traffic sa pagitan ng mga kontinente.
Tinukoy rin ng grupo ang banta ng undersea cable plan na direktang lalapag sa Chinese territory, kung saan nagpakita ang gobyerno ng People’s Republic of China (PRC) ng pagnanais na kunin ang mga datos ng mga mamamayan ng US upang sirain ang US national security.
Bilang suporta sa kanilang argumento, sinabi ng Team Telecom na kinasuhan ng DOJ ang mga Chinese hacker para sa Equifax breach noong nakaraang Pebrero at ang China ay inaakusahan ng pagnanakaw ng halos 22 milyong records mula sa US Office of Personnel Management noong 2015.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang US team sa motibo at katapatan ng mga may-ari ng PLCN, Dr. Peng Group at Pacific Light Data. Sa ilalim umano ng Chinese law, kailangang suportahan ni Dr. Peng ang PRC intelligence at security protocol.
Pinabubusisi rin ng grupo ang kuwestiyonableng pagsunod ni
Dr. Peng sa US laws sa pagbili ng telecom assets at ang ugnayan ng Pacific Light Data sa China Unicorn, ang carrier ng PRC.
Kinuwestiyon din ng US team ang strategic location ng Hong Kong sa Asia Pacific dahil sentro ito ng international communications critical infrastructure, kung saan ang lumolobong share ng US communications traffic sa Asia- Pacific ay kailangan munang lumapag sa Chinese territory at tatawid sa Chinese-owned or controlled infrastructure bago ganap na makarating sa pinal
na destinasyon sa ibang bahagi ng Asia.