CESAR di nagwagi sa pang-uuto kay SUNSHINE, ginamit pa ang mga anak para magkabalikan

Bawal magpa-interview ang mag-asawang Cesar Montano at Sunshine Cruz sa media dahil may gag order sila mula sa korte kasama rin ang kanilang respective lawyers.

Kaya ang manager na lang ni Sunshine na si tito Alfie Lorenzo ang pinagtatanong namin tungkol sa kaso ng alaga niya at ni Cesar nang makita namin sa contract signing niya para sa Blooming G Borage Seed Oil Omega 6  mula sa Bauch (Philippines) Laboratory na pag-aari ni Florinda Bautista.

Bungad ni tito Alfie, walong buwan nang hiwalay sina Cesar at Sunshine at nangungulit lang ang aktor na makipagbalikan sa asawa kaya itinago ang tatlong anak sa nanay nila.

“Siguro, akala ni Cesar nu’ng hindi niya ipinakita ang mga anak kay Sunshine, babalik si Sunshine sa kanya, hindi niya alam, sa korte ito nagsumbong,” sabi ng manager ng aktres.

Nagbalik-tanaw ang taong malapit sa aktres, “First love kasi niya, first boyfriend kaya  sobrang mahal, buti nagising na.
“Dati naghiwalay na sila, e, six years ago pa, e, nauto ulit, nagbalikan, e, heto na naman, tapos nakikipagbalikan ulit, maski isang buwan lang, hindi na pumayag si Sunshine, humiwalay na talaga, ang kaso, kinuha naman ni Cesar ang mga anak, kaya sa korte lumapit si Sunshine.”

Maayos naman daw ang relasyon nina Cesar at Sunshine nang maghiwalay sila walong buwan na ang nakararaan at nitong mga huling araw lang muling nagulo simula nu’ng itago ng aktor ang mga anak nila, “Tapos, bine-brainwash ni Cesar ang mga bata ng kung anu-ano tungkol sa mommy nila, e, ang mga bata umiiyak na at panay ang text sa mommy nila.

“Sa school sinundo ni Cesar ang mga bata at hindi na isinoli, at sinabi sa mga bata na kapag sa kanya sasama, makikita pa nila ang mommy nila at kapag kay Sunshine sasama ang mga bata, hindi na nila makikita ang daddy nila, kaya ang mga bata, gulung-gulo na.

“Nu’ng nagharap nga sila sa korte, pinapili ang mga bata, si Cesar ang pinili kasi nga na-brainwash na, tapos nag-explain si Sunshine na ganu’n nga ang sabi raw ni Cesar, pinabasa ang mga text messages ng mga anak tungkol sa mga pinagsasabi ni Cesar.

“Kaya nag-decide na ang judge na hati sila ng araw, Thursday to Sunday, kay Sunshine ang mga bata at pag Monday to Wednesday, kay Cesar which is tama kasi pareho naman nilang anak iyon,” paliwanag pa ni tito Alfie.

Ang kuwento naman tungkol sa sustento ni Cesar sa mag-iina, “Si Buboy ang nagsabi na P300,000 plus ang sustento niya kay Sunshine at pinahahanap pa nga ng bahay worth P25 million na ayaw naman ni Sunshine kasi mahal.

“Ito namang si Sunshine, naghanap at tinetext pa si Cesar ng mga presyo ng bahay e, hindi niya alam, gagamitin palang bala iyon sa kanya. Hayun sinabi sa korte, si Sunshine nanghihingi ng malaking sustento at bahay at nu’ng hindi ibinigay, pinagbintangan daw si Cesar na ni-rape siya.

“Hindi nga nasunod ang sinabing sustentong P300,000 plus wala pang isang daang libong piso ang naibibigay para sa renta ng bahay na tinitirhan ngayon ng mag-iina,” tuluy-tuloy pang kuwento ni tito Alfie.

Walang boyfriend si Sunshine tulad ng pinagkakalat ni Cesar, pang-bluff lang daw iyon ng aktor para masira ang imahe ng aktres sa mga anak at sa ibang tao.

Sabi nga raw ni Cesar sa kanya, ‘Magbalikan na tayo, iwan mo na ‘yang boyfriend mo!’ “E, siyempre, nagalit si Sunshine, sabi niya kay Cesar, ‘Anong boyfriend ang pinagsasabi mo, alam mong wala.

Nagtatrabaho ako ng maayos.’ Kaya lalong nanggigil si Cesar, hindi na kasi niya mauto si Sunshine. (Editor’s note: Bukas naman ang pahinang ito para sa panig ng kampo ni Cesar Montano sa ngalan ng balanseng pamamahayag.)

( Photo credit to Google )

Read more...