Nakahanda na ang kalooban ni Willie Revillame at ng kanyang staff sa nalalapit na pamamaalam ng kanilang show.
May lungkot dahil matagal na panahon din silang nagkasama-sama, pero talagang ganu’n, sabi nga ay talagang dumarating sa kahit anong aspeto ng buhay at larangan ang panahon ng pamamaalam.
Pero sa pagkawala ng Wowowillie ay hindi na gaanong mamomroblema pa si Willie, napaghandaan na ng aktor-TV host ang kanyang kinabukasan, sistema niya na lang ang kailangan pa niyang turuang mabago ang takbo kapag nagtapos na ang kanyang show.
Natural lang na sa mga unang araw, linggo at buwan ay hahanap-hanapin ng kanyang sistema ang araw-araw na pagtatrabaho, ilampung taon naman kasi niyang ginawa ‘yun, nasanay na siyang gumising nang maaga bilang paghahanda sa kanyang noontime show.
“Talagang ganu’n, kailangan nating tanggapin ang katotohanan na bawat bagay, may katapusan. Pero hindi pa naman ito ang katapusan ng buhay naming lahat, magsisimula lang uli kami ng panibago,” pahayag ni Willie.
Plano niyang magbakasyon muna pagkatapos ng Wowowillie, utang niya ‘yun sa kanyang sarili, kailangan niya namang regaluhan ang sarili niya ng isang masarap na pahinga.
“Marami akong planong gawin. Baka nga sa mga negosyo pa lang na naipundar ko, kulang na kulang pa ang oras ko sa maghapon. Meron tayong hotel, condo, bar, itinatayo pa ngayon ang Wil On Top sa highest peak ng Tagaytay.
At least, magkakaroon na ako ngayon ng panahon para sa mga negosyo ko,” dagdag ng aktor-TV host. ‘Yun nga lang, para sa kanyang mga tagasuporta ay magbabago na ang bawat tanghali ng kanilang buhay ngayon, hahanap-hanapin nila ang programa ng kanilang idolo na itinuring nilang kanlungan dahil sa tulong na ipinamamahagi sa kanila.
( Photo credit to Google )