NAKUHAAN umano ng mga baril, bala at patalim ang dalawang lalaki na tinangkang takasan ang mga pulis na sumita sa kanila dahil sila ay magka-angkas sa motorsiklo sa Quezon City.
Kinilala ang mga suspek na sina Joey Salvador, 44, ng Brgy. West Kamias at Sandy Pudia, 43, ng Brgy. Pansol.
Sinita umano ng mga pulis ang mga suspek alas-8 kagabi. Sa halip na huminto ay tinangka umanong tumakas ang mga suspek na nakorner sa K9 St. Brgy. East Kamias.
Nang kapkapan ay nakuhanan umano si Salvador ng Norinco handgun na may anim na bala at apat na bala ng kalibre .38. Si Pudia ay nakuhanan naman umano ng patalim.
Ipinagbabawal ng gobyerno ang magka-angkas sa motorsiklo alinsunod sa protocol na ipinatutupad para hindi kumalat ang coronavirus disease 2019.