ARESTADO ang 15 katao sa magkakahiwalay na operasyon ng Quezon City Police District.
Hinuli si Rico Esber, 38, dahil sa paglabag sa batas trapiko alas-11 ng gabi sa Congressional Extension kanto ng Luzon Ave. Brgy. Culiat. Nang buksan umano ang compartment ng kanyang motorsiklo ay nakita ng mga pulis ang P34,000 halaga ng shabu.
Nahuli naman ng Novaliches Police sa buy-bust operation sina Eduardo Ely, 52, Ricardo Balisi, 38, Ramienick Baring, 29, Armando Baring, 26, Jhil Cabral, 30, at Ferdinand Del Mundo, 45, alas-11 kagabi sa Paquita st., Joan of Arc, Brgy. Gulod, Novaliches. Nasamsam umano sa kanila ang 14 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P20,400.
Fairview Police naman ang humuli kina Mark Anthony Rodriguez, 28, at Ramil Alvarez, 51, alas-7 ng gabi sa Lower Visayas st., Brgy. Sta. Lucia. Narekober umano sa kanila ang P40,800 halaga ng shabu sa buy-bust operation.
Sa buy-bust operation ng Batasan Police naman nahuli sina Christoper Caro, 38, Edgar Sales, 53, at Nerissa Caro, 39, alas-6:40 kagabi sa Rose st., Brgy. Pasong Tamo, at nakuhanan umano ng P68,000 halaga ng shabu.
Mga tauhan ng Project 4 Police ang humuli kay Ricardo Luz, 44, ala-1:30 ng umaga sa Aurora Blvd. Brgy E. Rodriguez. Nakumpiska umano sa kanya ang P10,500 halaga ng shabu.
Sa buy-bust operation ng Anonas Police nasakote sina Ric Lapus, 51, at Jerald Del Rosario, 39, alas-5 ng hapon kahapon sa H. Bautista st., Brgy. Concepcion Uno, Marikina City. Nakuha umano sa kanya ang P68,000 halaga ng shabu.