FOLLOW-UP ito sa blind item namin dito sa BANDERA kahapon tungkol sa isang kilalang aktor na may-ari ng dalawang Siberian Husky na namerwisyo sa ilan niyang kapitbahay.
Nagpaabot na ang aktor ng dispensa sa may-ari ng mga panabong at inahing manok na nadisgrasya nang makawala ang mga alaga niyang aso.
Kasalukuyan kasing nasa location shoot ang aktor at naka-lock-in sila roon ng ilang araw kaya sa kanyang handler kami nakipag-ugnayan para linawin ang naging problema.
Ipinadala naman ng handler ang mensahe namin sa aktor tungkol sa perwisyong dulot ng kanyang pet dogs.
“Ibinigay ko na po ang number ko sa village, nag-response na po ako, sabi ko pupuntahan o personally sa bahay and as of now, kapatid ko muna ang kausapin and ayusin na siyempre.
“Aayusin ko lahat ang deal with the damage. Thank you po sa update,” ang paniguro ng aktor.
Ipinadala agad namin ito sa kaibigan naming may-ari ng mga manok at saktong may sagot kaagad siya.
“Hi Reggs, nagpunta ngayon dito sa bahay ‘yung brother ni _____ (aktor) nagbigay ng biko at tinanong kung paano ang settlement sa namatay na sasabungin at sa ibang manok na kinalbo ng aso nila.
“Pangkain na lang ng mga manok ang hiningi kong bayad kasi alam kong lahat naman ng tao ngayon hirap dahil sa nangyaring pandemic.
“Sabi sa akin, pag-uwi na lang daw ng kuya (aktor) niya magkakabayaran, naisip ko nga baka matatagalan pa, kawawa naman sila baka walang budget.
“Sabi ko, mag-down na lang tapos ‘yung kulang sa pag-uwi na lang ng kuya niya,” kuwento ng aming kaibigan.
In fairness, maayos naman kausap ang aktor at sa tuwing nakakapanayam din namin siya sa mga presscon ay marespeto rin siyang sumagot.
Yes, marami siyang events at marami rin siyang projects dahil mahusay naman siyang umarte at marunong makisama kaya siguro gusto rin siya ng mga producer at direktor.