NAKALIPAS na ang mahigit tatlong buwan nang una tayong ginulantang ng COVID-19 crisis, pero tila ang solusyon na inilatag para ito ay maibsan o mapawi o mapigilan, ay kulang, o hindi sapat.
Isa sa mga naging unang tugon para labanan ang COVID-19 crisis ay ang pagpapalabas ng Presidential Proclamation No. 922 noong March 8, 2020 kung saan idineklara at nilagay ang buong bansa sa ilalim ng “State of Public Health Emergency”.
Kinailangan ng ganitong deklarasyon para maging operational ang kaisa-isang batas na umiiral tungkol sa nasabing krisis. Ang batas na ito ay ang RA No. 11322 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act) na naging epektibo noong May 2019. Ilan sa mga alituntunin ng RA No. 11322 ay ang mandatory reporting at isolation o quarantine ng mga taong may pambihirang sakit, gaya ng COVID-19.
Sinundan ito ng isa pang deklarasyon na nasasaad sa Presidential Proclamation No. 929 noong March 16, 2020 kung saan isinailalim ang buong bansa sa “State of National Calamity”. Dahil sa deklarasyon ito, nagkaroon ng karapatan ang national government at local government units (LGUs) na gamitin ang kani-kanilang Quick Response Fund o Calamity Fund para labanan ang lumalalang COVID-19 krisis.
Sa nasabing Presidential Proclamation No. 929, inilagay din ang buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula March 17, 2020 hanggang April 12, 2020. Sa mga sumunod na araw, ang quarantine na ito ay hindi lang ilang beses pinalawig, ito ay pinatupad din sa halos buong bansa, sa paniwala na sa ganitong paraan, mapipigilan ang pagdami ng may COVID-19. Isa ang Pilipinas, sa buong mundo, na nagpatupad ng pinakamahabang quarantine sa kasalukuyang nagaganap na pandamic.
Para mabigyan naman ng sapat na kapangyarihan ang Pangulo upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 at labanan ang krisis, nagpasa ang Kongreso ng RA No. 11469 o ang Bayanihan Law.
Ilan sa kapangyarihan na ipinagkaloob sa Pangulo ay gamitin ang mga pondo na nauna nang nailaan sa 2020 budget para sa mga executive departments at ang mga savings nito. Humigit kumulang P355 Billion na ang nagamit para ipatupad ang Bayanihan Law. Ayon sa Department of Finance, ito ang pinakamalaking “social protection program” sa kasaysayan ng Pilipinas. Dahil dito, marami sa ating mga mahihirap na kababayan ang nakatanggap ng financial na tulong mula sa gobyerno.
Bukod sa mga nasabing proclamations at mga batas, may mga executive orders, rules and regulations, office orders at iba pa, ang ipinatupad ng iba’t ibang ahensya na ang layunin ay labanan at puksain ang pagdami ng COVID-19 cases.
Ngunit sa kabila ng lahat ng mga batas na umiiral at laki ng pondo na nagastos dito, kasama na ang tagal at haba ng quarantine na ating dinanas, tila kulang at hindi pa rin sapat ito para mapigilan o maibsan ang pagkalat at pagdami ng kaso ng COVID-19.
Ang quarantine ay naging epektibo sa ibang bansa dahil ang mga tao, lalo na yung mga nagpapatupad nito, ay tunay at kusang sumunod sa quarantine. May takdang programa rin sila kung papaano nila ito maipapatupad. Sa kasamaang palad, marami tayong kababayan na “pasaway” o hindi sumusunod sa quarantine. Pero papaano mo sila masisisi at mapapasunod kung ang mga mismong matataas na officials na dapat magpatupad at magbigay ng halimbawa ay sila mismo ang hindi tumutupad sa quarantine.
Wala ring malinaw na guidelines kung papano ito ipinatutupad. Halimbawa na lang nito ay ang istorya ni Michelle Silvertino, ang ginang na binawian ng buhay sa isang overpass sa Pasay. Bakit siya naroroon sa lugar nayon sa panahon ng quarantine?
Ang mga sitwasyon ngayon ng ating mga bagong bayani (OFWs) ay hindi nalalayo sa nangyari kay Silvertino. Bagamat hindi matutumbasan ang naitulong nila sa ating ekonomiya, mukha naman napabayaan sila ngayon. Walang sapat na alituntunin kung ano ang dapat nilang gawin sa ganitong panahon ng quarantine at krisis.
Ang mabisang pagpapatupad ng quarantine ay isa lang sa sangkap para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19. Dapat din magkaroon ng mass testing at contact tracing na tila hindi mangyayari dahil sa kakulangan ng pondo
Ang mga officials na naatasan mag implement ng mga batas, executive orders at iba pa, o yung mga decision makers tungkol sa COVID-19 ay kulang din sa kaalaman at karanasan. Hindi sila virologist o epidemiologist na may sapat na kaalaman tungkol sa epidemyang COVID-19.
Ang Department of Health ay hindi rin nakakatulong sa sitwasyon. Ang simpleng information tungkol sa araw-araw na bilang ng taong may mga COVID-19 ay lalong gumulo at nagsanhi ng kalituhan matapos nitong paghiwalayin ang “new cases” sa “backlog”.
Noong June 23, 2020, nagtala ng pinakamataas na cases na may COVID-19 sa bilang na 1,150. Nauna na dito, binalik sa ECQ ang Cebu City dahil sa mataas na bilang ng mamamayan nito ang nagkaroon ng COVID-19.
Ang mga ito ay nagsasabing hindi tama o sapat ang mga solusyon na una ng pinairal para sugpuin ang pagdami ng COVID-19.
Oras na siguro para magkaroon ng isang sapat at malinaw na diskarte (strategy) at programa para mapigilan ang paglaganap at pagdami ng COVID-19?
Hindi tayo dapat maghintay na lang sa pagdating ng vaccine kontra sa COVID-19, na walang katiyakan kung kailan magkakaroon, para masolusyunan ang krisis.
Sa mga darating na panahon, titimbangin ng taong bayan ang mga solusyon na ipinairal sa panahon ng COVID-19 krisis at sila ang magsasabi kung ito ay kulang.