LTFRB ‘walang puso’, ipinabubuwag ng solon

HINDI naitago ni Senior Citizen Rep. Francisco Datol sa kanyang pagka-inis sa “walang pusong” Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Sa pagdinig ng House committee on Metro Manila Development kanina, sinabi ni Datol na isang panukala ang kanyang binubuo upang i-abolish ang LTFRB na inilarawan nito na “walang puso” sa walang masakyang pasahero at mga driver ng tradisyonal na jeepney.

“Ginagawa ko na yung aking House bill to abolish LTFRB. Yan po kasi pag hindi natin in-abolish yan, eh ano magsisinungaling lang yan eh,” ani Datol. “Alam nyo ho kasi pag walang puso ang nangangasiwa sa LTFRB, ano po, pag walang puso yan hindi nila mararanasan yung paghihirap ng ating mga kababayan. Kung sila ay may puso katulad naming mga halal ng bayan naiintindihan po namin hanggang doon sa baba.”

Ang pagbibigay ng prangkisa sa transport sector ay maaari umanong ibalik sa Kongreso.

Papipirmahin umano ni Datol ang lahat ng mga senior citizen na kongresista at 23 mambabatas sa Metro Manila upang agad na maipasa ng Kamara de Representantes ang kanyang panukala.

Nambobola lang umano ang LTFRB sa mga pagdinig ng Kongreso “….bolahan nalang tayo ng bolahan kawawa naman yung kawawa naman yung mga jeepneys, kawawa naman yung mga tsuper, hindi lang yan, yung mananakay na 5 milyon sa Metro Manila hindi mamamatay sa pandemic yan, mamamatay sa gutom yan”.

Nang payagang bumiyahe ang mga bus, dapat ay isinabay na umano ang mga jeepney.

“Sa mga tsuper magpapalit-palit lang sila. Halimbawa Lunes hanggang Miyerkules yung isang grupo, Huwebes hanggang Sabado yung isang grupo dahil sa Linggo naman walang trapik kahit sino gustong lumabas.”

Ipinunto rin ni Datol na mabuti pa ang jeepney dahil open air ito, hindi gaya ng mga airconditioned vehicle na mas madaling makahawa ng coronavirus disease 2019 batay sa siyentipikong pag-aaral.

Naniniwala si Datol na susunod ang mga driver sa panuntunan na ilalabas ng gobyerno.

Read more...