NATUKOY na ng Department of Justice (DOJ) ang pangalan at lokasyon ng nagbanta ng rape sa anak nina Sen. Francis Pangilinan at Sharon Cuneta.
“The DOJ-Office of Cybercrime has ascertained the identity and location of the person who allegedly threatened Frankie Pangilinan,” ani Undersecretary Markk Perete, tagapagsalita ng DOJ.
Wala namang idinagdag na detalye si Perete.
Wala pang komento ang kampo ng pamilya Pangilinan.
Noong Sabado ay ipinost ni Cuneta sa Instagram ang quote ng isang
Sonny Alcos, na nagsabing kung siya ay 12-anyos ay gagahasain niya si Frankie dahil hindi naman siya makukulong base sa batas na inakda ng ama nitong senador.
Makikita rin sa post ng aktres ang larawan ni Alcos, na umano’y nasa United Kingdom.
Kahit nasa ibang bansa, maaari pa ring maasunto si Alcos.
“We have a number of laws which actually would extend jurisdiction for so long as one of the elements of the crime is committed,” ani Perete na sinabing pwedeng ma-extradite si Alcos upang maharap nito ang kaso na isasampa ni Frankie.