Duterte muling magsasagawa ng public address ngayong gabi

President Duterte

MULING magsasagawa ng public address ngayong gabi si Pangulong Duterte sa ika-100 araw ng implementasyon ng lockdown sa harap naman ng patuloy na banta ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Sa isang briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na base sa naging pagtaya ng World Bank kay Finance Secretary Carlos Dominguez, tinatayang 99,000 buhay ang naisalba matapos namang ipatupad ang lockdown noong Marso 15.

“We probably saved 99,000 lives, dahil mahigit-kumulang isang libo lang ang namamatay dito sa ating bayan. Ikumpara po ninyo iyan sa Estados Unidos, sa Spain, sa Italy, talagang makikita naman po ninyo na napakadaming buhay ang naisalba dahil sa ating ECQ,” sabi ni Roque.

Idinagdag ni Roque na dahil sa sobrang dami ng populasyon sa bansa kayat hindi mai-flatten ang curve ng mga nagkakasakit dulot ng COVID-19.

“So, maraming lugar sa atin na talagang napakahirap mag-social distancing dahil kulang talaga ang espasyo. Kung titingnan ninyo iyong mga bansa na zero transmission, New Zealand – kakaunti lang  ang population nila, malaki ang kanilang lupa – hindi po ganiyan ang kaso ng Pilipinas,” dagdag ni Roque.

Umabot na sa mahigit 30,000 kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan nauna nang nagbabala ang mga eksperto na aabot sa 40,000 ang mga kaso sa katapusan ng Hunyo.

“Pero ganoon pa man ay haharapin po natin  ang paghamon at alam ko naman ang mga Pilipino kapag nahamon ay talaga  namang gagawin nila ang lahat ng magagawa nila, lalung-lalo na kung  ang nakasalalay dito ay buhay nila at  ng kanilang mga mahal sa buhay. Kaya po natin ito,” giit ni Roque.

 

Read more...