INILAGAY ng Quezon City government sa special concern lockdown (SCL) ang bahagi ng isang kalsada sa loob ng isang subdivision matapos magkaroon ng anim na residente rito na nahawa ng coronavirus disease 2019.
Ang bahagi ng King Christian St. sa Kingspoint Subd., sa Barangay Bagbag ay isinailalim sa SCL matapos tatlong tao sa isang pamilya, at dalawang tao sa magkahiwalay na pamilya ang nagpositibo sa COVID-19.
Mayroong 59 pamilya na may 243 katao sa lugar na isinailalim sa SCL.
“We have to enforce SCL so as to avoid the virus from spreading to other streets,” ani Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo.
Ngayong araw ay namahagi na ng case investigation forms ang QC-Epidemiology and Surveillance Unit (ESU) of the QC Health Department sa lugar upang matukoy kung sinoa ang mga tao na dapat sumailalim sa COVID-19 testing.
Ayon kay Dr. Rolly Cruz, hepe ng QC-ESU ang mga magpopositibo ay isasailalim sa polymerase chain reaction (PCR) confirmatory testing.
Apat na lugar sa QC ang nananatili sa SCL: Kaingin Bukid sa Brgy. Apolonio Samson, bahagi ng Ermin Garcia Street at Imperial Street sa Brgy. E. Rodriguez, at Calle 29 sa Brgy. Libis.
Palalawigin ang lockdown sa Kaingin Bukid upang matapos ang 1,000 testing sa lugar. Sinimulan ang SCL dito noong Hunyo 10.
Tutulong na ang national government sa PCR testing upang makapag-test ng 500 katao bawat linggo.
Sa 573 katao na sumailaim sa rapid diagnostic testing (RDT) sa bahagi ng Ermin Garcia at Imperial Streets, anim ang nagpositibo.
Ang bahagi naman ng Calle 29 ay mananatili sa SCL matapos na madagdagan ng siyam ang COVID-19 cases sa lugar.
Inalis na sa SCL ang Sitio Militar sa Brgy. Bahay Toro matapos na walang maitalang bagong kaso ng COVID-19 dito sa loob ng dalawang linggo.