LALAMPAS na sa 30,000 ang confirmed COVID-19 cases sa buong bansa kung ang bilang ng DOH sa mga “fresh” at “late cases” ay nadaragdagan sa bawat araw.
Noong Sabado, 943 cases ang naitala, (578 ang “fresh” at 365 ang “late”). At mas mataas na ngayon sa Cebu na merong 296 fresh cases (NCR-216, ibang rehiyon-64) at 365 late cases (NCR-60 cases, ibang rehiyon-158) .
Naalala ko bigla iyong “prediction” ng UP scientists na aabot daw sa 40,000 ang mga COVID cases pagsapit ng June 30. Pero, kung titingnan ang latest data ng mga laboratoryo sa buong bansa, meron nang naitala na 35,420 positives noong June 17 kung saan ang “kumpirmado” pa lamang ay 27,799 noong June 18. Ibig sabihin nito, sa diperensyang 7,621 magkahalo ang “backlog” at“duplicate” na mga kaso kung saan inuulit ang swab testing.
Gayunman, talagang nakakabahala ang mga bagong numero kung saan dumami rin ang mga “active cases” sa 20,600 na dapat matugunan ng “critical care facilities” ng ating mga ospital.
Dito sa Metro Manila , wala tayong kaba dahil 41 percent pa lang ang okupadong bed capacity. Ang panganib ngayon ay sa Cebu city na ang bed occupancy ay nasa 84 percent ngayon o malapit nang mapuno di katulad ng buong Region 7 na maganda pa at nasa 47 percent occupancy pa lamang.
Kaya naman, napapanahon at dapat lamang suportahan natin ang pagtatayo ng National Anti-Covid 19 Task force ng maraming quarantine facilities lalo na ang mga ICU beds sa Cebu at sa iba pang lalawigan upang maiwasang mabulunan ang ating hospital system tulad ng nangyayari ngayon sa Brazil at noon ay sa China at Italy.
Sa totoo, hindi pa matatapos at siguradong magtatagal ang COVID-19 sa atin. Bagamat sa Metro Manila, tayo ay nasa GCQ at ipinatutupad ang localized lockdowns, ang panganib ng ay nagbabanta sa lahat ng lugar.
Ngayon, merong 191 baranggays sa NCR ang tinukoy ng DOH at LGUs na merong “local transmission” ng COVID-19. Ang Quezon city ay merong 32, Maynila-29, Caloocan-17, Makati-16, Taguig-16, Muntinlupa-14, Mandaluyong-10, Las Pinas-8, Malabon-8, Valenzuela-7 San Juan-7, Marikina-5, Pasig-5, Paranaque-5, Navotas-3 at Pateros-2.
Malalaking mga lugar ito na bagamat binabantayan ay malaki pa rin ang panganib na kumalat lalo kapag niluwagan ang kasalukuyang GCQ.
Maging sa paligid ng Metro Manila ay marami ring mga “infected baranggays” tulad sa Cavite na merong 29 na lugar, Laguna-14, Rizal-23 at ang Bulacan ay merong 10.
Ang ganitong sitwasyon ay nangangailangan talaga ng dahan-dahang desisyon bago tuluyang i-sona libre ng gobyerno ang mga taumbayan at ibalik ang normal na kalakaran. Maliwanag dito na kailangan pa rin ang ibayong pag-iingat upang ang mga kabataan lalo na ang mga “senior citizens” ay hindi mahawa ng naturang pandemya.
Lalo ngayon na walang patid ang pag-uwi ng daan libong mga Overseas Filipino Workers at ang paglisan din ng mga “locally stranded individuals”, ang panganib ng pagkalat ng COVID-19 hindi lamang sa NCR, Cebu at sa iba pang rehiyon ay makatotohanan at talagang nakakatakot.
At dito, kailangan ngayon ng sama-samang kaisipan at tunay na pagkakaisa ng sambayanan upang tuluyang masawata ang pandemyang ito. OO, Lahat tayo nagugutom, nabawasan o nawalan ng kabuhayan, pero huwag na huwag nating hayaan na manalasa ang COVID-19 sa sarili nating pamilya at komunidad.