WALA ng Bayanihan Law (RA No. 11469) dahil ang epektibo nito ay kusang tumigil noong June 5, 2020 matapos ang adjournment ng Kongreso. Ito ay naaayon at itinakda sa Article 6, Section 23 (2) ng Constitution.
Dahil wala na ang Bayanihan Law, ang mga reklamong criminal na isinampa sa grupong “San Roque 21”, sa isang government official at sa iba pang mamamayan ay nararapat lang na ibasura na.
Wala na sa libro ng batas ang Bayanihan Law, kaya maituturing wala na rin silang nilabag na batas. Walang tao ang dapat makasuhan, managot at makulong kung ang batas mismo kung saan sila kinasuhan, pinananagot at pinakukulong ay wala na. Ang ganitong sitwasyon ay makakabuti at kapaki-pakinabang sa mga nireklamo o kinasuhan kaya ito ay naaangkop sa kanila.
Kinasuhan noong April 3, 2020 ang 21 tao na tinaguriaang “San Roque 21” ng iba’t ibang criminal cases at kasama rito ang paglabag sa Section 6 ng Bayanihan Law.
Ang San Roque 21 ay mga urban poor residents ng Sitio San Roque, Quezon City na nag-rally noong April 1, 2020 sa Edsa, Quezon City upang ihayag ang kanilang damdamin ukol sa kakulangan ng tulong ng gobyerno sa panahon ng Covid-19 crisis.
Sila ay inaresto ng mga kagawad ng Philippine National Police at kinasuhan ng iba’t ibang paglabag sa batas. Isa na rito ay ang diumano paglabag ng San Roque 21 sa Section 6 (spreading false information and impeding access to roads) ng Bayanihan Law.
Matatandaan din na nireklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang government official na diumano sa paglabag sa Section 6 ng Bayanihan Law (spreading false information). Ito ay tungkol sa pagpapamahagi o distribution ng mga Personal Protective Equipment (PPEs).
Bukod sa “San Roque 21” at sa nasabing government official, marami din sa ating mga kababayan ang nireklamo ng diumano paglabag sa Bayanihan Law particular na dito ang spreading of false information (Section 6, Bayanihan Law). Itong mga reklamong ito ay maaari ng ibasura dahil nga wala na yung batas (Bayanihan Law) kung saan sila nirereklamo.
Wala naman epekto ang pagkawala ng Bayanihan Law sa kaso ng isang mambabatas at sa mga officials ng PNP tungkol sa “mananita party” dahil sila ay hindi naman nireklamo sa paglabag ng Bayanihan Law. Sila ay nireklamo sa diumano paglabag sa RA No. 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act).
Sa madaling salita, sa mga taong nakasuhan ng paglabag sa Bayanihan Law, maaari nang ibasura ang mga kasong isinampa sa kanila.