Ai Ai, Willie naglaglagan sa Wowowin; magtatambal sa bagong GMA show? 

IPINAGDARASAL ni Comedy Concert Queen Ai Ai delas Alas na mabigyan na siya ng chance na makatrabaho sa isang acting project si Alden Richards.

Isa yan sa mga nasa bucket list ni Ai Ai at umaasa siya na sana’y matupad na ito very soon dahil matagal na niyang gustong makatrabaho sa teleserye at pelikula ang Pambansang Bae.

In fairness, mukhang anytime soon ay pwede na itong mangyari matapos siyang pumirma ng management contract sa GMA Artists Center.

Kaya expect more fun from the multi-talented actress and TV host this year ngayong certified Kapuso artist na siya.

“Nag-decide ako to join GMA Artist Center kasi it’s time I pay back. Since 1990, taga-GMA na ako talaga, sila ang nagbigay sa akin ng chance na makilala noong struggling artist pa ako, noong ako ay bago pa sa industriya. 

“Dahil ngayon 30th anniversary ko and sumabay din ako sa 70th anniversary ng GMA, para terno!” pahayag ng komedyana.

Present din sa contract signing sina Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth Rasonable, Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara, GMA Artist Center Assistant Vice President for Talent Imaging and Marketing Simoun Ferrer, at Senior Talent Manager Daryl Zamora. 

Ayon kay Ai Ai, marami pa siyang mga pasabog sa mga susunod na buwan, lalo na kapag natapos na ang COVID-19 pandemic.

“Napakaraming ganap. Mayroon akong soap, ‘The Clash Season 3,’ at mayroon din akong out of the country shows na hindi natuloy pero matutuloy na after COVID-19,” aniya.

Bukod kay Alden, nais din niyang makatrabaho sina Rocco Nacino, Edgar Allan Guzman at Sanya Lopez na tinawag pa niyang isa sa may pinakamagandang mukha sa mga Kapuso stars.

Sa guesting naman niya kagabi sa Wowowin, tila nadulas si Ai Ai sa project na pagsasamahan nila ni Willie Revillame. Mukhang pinaplano na rin ng GMA ang pagsasama nila sa isang programa.

Sa katunayan, wagi ang pagge-guest ni Ai Ai sa Wowowin dahil talagang bentang-benta sa viewers ang palitan nila ng punchlines lalo na ang laglagan portion nila sa show.

Samantala, ayon kay Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth Rasonable siguradong mas magiging exciting ang career ng Comedy Queen.

“Siyempre masaya, there are so many reasons to celebrate, especially with all these things happening around us. She still has ‘The Clash,’ alam naman natin na talagang nilu-look forward ng audience ‘yung pag-judge niya because she always comes up with the funniest, very constructive comments, and ‘yung mga outfits niya. 

“Aside from that, of course, she can do drama, we know that she won several awards. Maraming pwede gawin si Ai Ai, kahit online,” sabi pa ng GMA executive.

 

Read more...