Pokwang maglalaro sa Bawal Judgmental ng Eat Bulaga; lilipat na nga ba sa GMA? 

TIYAK na magiging kontrobersyal ang nakatakdang guesting ng Kapamilya comedienne na si Pokwang sa Eat Bulaga bukas nang tanghali.

Ngayon pa lang ay mainit nang pinag-uusapan sa social media ang pagpayag ni Pokey na maging celebrity contestant sa “Bawal Judgmental” segment ng Eat Bulaga bukas, June 20.

Kanina sa live episode ng Kapuso noontime show, bago matapos ang nasabing segment ng EB, ibinandera ni Paolo Ballesteros na nakatakda ngang magge-guest si Pokwang sa kanilang programa.

“Bukas! Masusubok ang pagka-judgmental ng judge natin for tomorrow, si Pokwang!” ani Paolo.

Hirit naman ng isa pang EB host na si Jose Manalo tungkol sa magiging guest nila bukas, “Naku! Anong masusubok, e, judgmental talaga yan!”

Hindi na iba si Pokey sa mga Dabarkads ng Eat Bulaga dahil nakasama na nila ang komedyana sa pelikula nina Vic Sotto at Maine Mendoza “Mission Unstapabol: The Don Identity” na entry sa 2019 Metro Manila Film Festival.

Pero hindi pa rin maiiwasan na lagyan ng kulay o malisya ng publiko ang pag-apir ni Pokwang sa Bulaga lalo pa’t kababalik pa lang sa ere ng kalaban nitong programa sa Kapamilya Channel na It’s Showtime.

Hintayin na lang natin ang magiging paghusga rito ng publiko bukas. Pero base sa mga nabasa naming comments mula sa netizens, excited sila sa paglalaro ni Pokwang sa Bawal Judgmental kaya aabangan daw nila ito.

Read more...