GAB, iba pang ahensiya ng gobyerno nagsanib pwersa para sa pro athletes

SI Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra (ikalawa mula sa kanan) kasama si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez (ikalawa mula sa kaliwa). 

NAGSANIB pwersa ang Games and Amusements Board (GAB), Department of Health (DOH) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na nakasentro sa programa para labanan ang coronavirus (COVID-19) upang matulungan ang mga Pinoy professional athletes at iba pang lisensiyadong indibiduwal sa pro sports.

Ayon kay GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, umapela ang ahensiya, kasama sina Commissioner Ed Trinidad at Mar Masanguid upang maibalik unti-unti ang kabuhayan ng sektor ng pro sports na tinamaan din ng ipinatupad na community quarantine.

Batay sa datos ng GAB, may 18 pro sports event ang natigil sa loob ng tatlong buwang pakikipaglaban ng pamahalaan para mapigilan ang COVID-19 pandemic.

Nagsumite ang GAB kamakailan ang 59-pahinang dokumento sa Inter-Agency Task Force (IATF) na naglalaman ng mga suhestyon para maibalik ang pro sports alinsunod sa medical at safety protocols na inirekomenda ng GAB Medical Section, Boxing and other combat sports division, professional basketball at iba pang pro games division, horse betting division, Philippine Football Federation, Philippine Basketball Association, at mga boxing promoters at managers.

Tinanggap naman ng IATF ang nasabing dokumento at binigyan nito ng pagkakataon si Mitra na personal itong ipaliwanag sa isinagawang online video teleconferencing.

Ginamit ng GAB ang apat na virtual simulators upang maipakita ang posibleng gagawin sa pagbabalik ng PBA workouts at football games alinsunod sa health and safety procedures.

Matapos ang maigsing talakayan, inatasan ng IATF si Mitra na makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) Technical Working Group upang makagawa ng ‘draft’ para sa isang Joint Administrative Order upang maisakatuparan ang health and safety protocols para sa professional sports na nakaayon sa minimum health and safety guidelines ng DOH.

Sa inisyal na rekomendasyon ng DOH sa IATF, hiniling nito na limitahan ang pagsasagawa ng contact sports tournaments, games, at matches habang wala pang epektibong medisina laban sa coronavirus.

“Whatever decision that the IATF will make, we will surely support and follow them,” sabi ni Mitra.

Kabilang sa nakibahagi sa telecon at nakarinig sa pahayag ng GAB ay sina IATF chairperson ay DOH Secretary Francisco Duque, gayundin sina IATF co-chairperson Secretary Karlo Nograles, DILG Secretary Eduardo Año, DICT Secretary Gringo Honasan, DOLE Secretary Silvestre Bello III, at iba pang miyembro ng IATF.

Read more...