MAS maraming Filipino ngayon ang mas masama ang kalagayan ng buhay kumpara 12 buwan ang nakakaraan, ayon sa mobile survey ng Social Weather Stations.
Ayon sa survey 83 porsyento ang nagsabi na mas mahirap ang kalagayan nila ngayon kumpara isang taon ang nakakaraan.
Ito ang pinakamataas na naitala ng SWS sa loob ng 37 taon. Tinalo nito ang rekord na 62 porsyento noong Hunyo 2008.
Ang nagsabi naman na mas maganda ang kanilang kalagayan ngayon ay anim na porsyento, ang pinakamababang naitala at tumalo sa 9 porsyento noong Hulyo 1985.
“The May 2020 Net Gainers score of –78 (Gainers minus Losers, correctly rounded), is the worst in survey history, breaking the previous record low –50 in June 2008. It plummeted from a very high +18 in December 2019,” saad ng SWS.
Sa Visayas mula +14 porsyento noong Disyembre 2019 na net gainers bumaba ito sa -82 porsyento sa survey noong Mayo 2020. Bago ito ang pinakamababa ay -61 porsyento na naitala noong Hunyo 2008.
Sa Mindanao, mula sa +16 porsyento ay bumaba ito sa–80 noong Mayo. Ang pinakamababa dito noon ay –58 porsyento na naitala noong Abril 1998.
Sa Metro Manila, mula +22 porsyento ay bumaba sa–77 porsyento. Ang dating pinakamababang rekord ay –57 porsyento noong Mayo 2005.
Sa iba pang bahagi ng Luzon, mula +18 porsyento noong Disyembre ay bumagsak ito sa -75 porsyento. Ang dating pinakamababa ay –45 porsyento noong Hunyo 2008.
Ginawa ang survey mula Mayo 4-10 at kinuha ang opinyon ng 4,010 respondents sa pamamagitan ng mobile phone interview at computer-assisted telephone interviewing.