Hugot ni Rochelle sa dating manager: Pinaarte mo kami sa TV kahit ayaw namin…

NAPA-THROWBACK nang bonggang-bongga ang Kapuso actress-dancer na si Rochelle Pangilinan noong nagsisimula pa lang ang grupo nilang SexBomb Girls.

Sa kanyang Instagram, nag-post ng birthday message si Rochelle para sa dating talent manager nilang si Joy Cancio.

Dito, binalikan ng dating leader ng SexBomb ang kanyang pinagmulan kasabay ng pasasalamat sa dati niyang manager na naging isa sa mga daan para marating niya kung nasaan siya ngayon.

Ipinost ni Rochelle ang litrato nila ni Joy Cancio na may captiin na: “Nagsimula at sumayaw ako sa ‘yo simula 15 yrs old.

“Napakadami nating pinagdaanan… masaya at malungkot, sa hirap at ginhawa, sumikat at medyo hindi na sikat.

“Shows na north to south, south to north, halos buong Pilipinas at labas ng bansa ang naikot ko para sayawan o kantahan, kumpleto man ang tulog o puyat, may sakit man o wala.

“Pagod to the highest level hanggang sa maiyak,” aniya.

Pagpapatuloy pa ni Rochelle, “Pinaarte mo kami sa TV kahit ayaw namin. Hahaha! Sa bandang huli ay nagustuhan din at gustong gusto!”

Nagpasalamat din siya kay Joy dahil hindi lang talent ang naging turing nito sa SexBomb Girls kundi parang mga tunay na anak na rin.

Aniya, “Tampuhan tapos bati ulit kasi isip bata kami pero nagtiyaga ka sa ‘min.. madami kami. NAPAKADAMI! Minahal mo kami na parang anak mo.

“Malaking parte ka ng buhay ko dahil isa ka sa mga dahilan kung bakit nakaahon ang pamilya ko sa hirap.

“Hindi man tayo araw-araw na magkasama o laging nagkikita, hindi ko man nasabi sa ‘yo pero mahal kita. Maraming, maraming salamat sa lahat!”

 “Ikaw ang naging pangalawang nanay ko… at ngayong kaarawan mo.. hiling ko ang magandang kalusugan at maraming blessings pa sa buhay mo.

“Tuwang tuwa po ako sa mga magagandang nangyari sa ‘yo. Nandito lang lagi ako, kami. Kasama ang aking asawa at anak.

“We Love you sooooo much! Happy birthday!!! Jocelyn Cancio!” 

Read more...