INAMIN ng aktres na si Aiko Melendez na muntik na silang mag-away ng kumpare niyang si Ogie Diaz.
Tila inayunan kasi ng talent manager-comedian ang tsismis na may ginamit na internet application ang aktres para magmukhang payat sa mga ipino-post nitong mga larawan sa social media.
Ang sexy na kasi ngayon ni Aiko na nasa 27 inches na lang ang waistline o size 6 lang kapag US size.
Dahil dito, may dalawang bashers na pumuna at nagsabing daya lang daw ang mga larawan ni Aiko dahil ginamitan ng apps.
Dito nagkomento si Ogie ng, “Ang ganda ng slimming app na ‘yan mare?” na inakala ng bashers na totoong daya ang pagpayat ng aktres.
Sa Facebook live tsikahan nina Aiko at Ogie ay tawa nang tawa ang comedian dahil nga nagalit sa kanya ang aktres.
“Muntik kaming mag-away n’yan kasi pinatulan n’ya, sabi niya may app akong ginagamit, isa ka pa. Kasi comment nang comment sa picture ko kapag nagpo-post ako, ‘ang ganda ng slimming app na ‘yan mare ah.’
“E, pinaghirapan ko ‘to! Nagpapayat ako nang sobra, di ba? O, eto video (sabay pakita ng katawan), kita n’yo naman kung gaano (kapayat), oh,” kuwento ni Aiko.
Sabi naman ni Ogie, “Muntik kami mag-away nga, pero naniniwala akong kinarir ni Aiko ang pagpapayat. Tinutukso ko lang siya na anong slimming app ‘yan? Ano nga ba ginawa mo bakit ka nagkaganyan?”
“Nag-calorie counting ako. Una kasi nagpa-lipo (liposuction) ako, after that siyempre hindi mo naman puwedeng iasa kay Doc Yapi lahat ‘yung pagpapapayat mo.
“Kasi ang lipo talaga hindi naman pagpapapayat, iko-contour ka lang. So, after akong i-countour nag-diet ako nag-calorie counting ako, ‘yan ang ginawa ko,” pagtatapat ng aktres kung bakit slim siya ngayon.
Hindi na ba natutuksong kumain ng marami ngayon si Aiko? “Nasanay na kasi ‘yung bituka ko na maliit na lang ang kinakain ko. Kaya ngayon naghahanap ako ng supplement na magiging partner ko para hindi na ako bumalik sa dati (mataba).”
Samantala, napag-usapan ang realization sa panahon ng pandemic at nabanggit ni Aiko na ngayon lang niya naisip na hindi tamang mag-invest sa branded bags and shoes.
“Alam n’yo ngayon ko na-realize at payo ko, don’t invest on branded bags and shoes kasi it’s not worth it, eh. Tingnan mo ngayon walang magawa, nakatengga lang,” anang aktres.
Nasa taguan lang daw niya ang lahat ng mga mamahaling gamit na binili niya na hindi naman niya magamit ngayon dahil hindi naman siya naglalabas ng bahay maliban na lang kung may importanteng meeting siya.
Sabi pa niya, “Mas importanteng liquid (cash) ka, mas okay talagang mag-invest ka sa lupa. Kasi wala namang magagawa ‘yang mga branded-branded na ‘yan. Kaya ako, last ko na ‘yan (huling biniling branded bag).”
Pero kung may magbibigay daw kay Aiko ng branded bags and shoes tulad ni Sylvia Sanchez na nanonood sa FB live nila ni Ogie ay tatanggapin niya dahil bigay at hindi naman niya binili.
“Saka may remembrance ako from ate Sylvia,” saad ng aktres.