Ilegal na pag-aresto sa 2 Muslim pinaiimbestigahan sa Kamara

Kamara

NAGHAIN ng resolusyon ang pitong Muslim na kongresista at pinaiimbestigahan ang iligal umanong pag-aresto sa dalawang negosyanteng Muslim sa San Andres, Maynila noong Hunyo 12.

Ang House Resolution 981 ay inihain nina House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman, Lanao del Sur Rep. Ansaruddin Abdul Malik Adiong, Sulu Rep. Munir Arbison, Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu, Lanao del Sur Rep. Yasser Alonto Balindong, Maguindanano Rep. Datu Roonie Sinsuat, Sr., at Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan, upang maimbestigahan ng House committees on Public Order and Safety at on Muslim Affairs ang pangyayari.

“The primary objective of this probe is to get to the bottom of what happened in the afternoon of June 12 in the residence of the two Muslim traders, get the side of the police, find out if there was really abuse of authority, and study if there is a need for legislation to address an injustice,” ani Hataman, dating gubernador ng binuwag na ARMM.

Ayon kay Hataman hindi maitatanggi na mayroong mga pulis na umaabuso sa ibinigay na kapangyarihan sa kanila ng gobyerno na pinangangambahang lumala umano kapag naging batas na ang Anti-Terrorism Bill.

Isa si Hataman sa tumutol sa Anti-Terrorism bill kung saan nakasaad na binibigyan ng kapangyarihan ang otoridad na manghuli at magkulong ng isang tao sa loob ng 24 na araw ng walang isinasampang kaso.

Noong Hunyo 12, alas-3 ng hapon iligal umanong inaresto sina Abdullah Palawan Maute at Saadudin Alawiya.

Hindi umano nagpakilala ang mga pulis at pinasok ng mga ito ang bahay ng mga hinuli na walang search warrant o warrant of arrest. Hindi umano nakipag-ugnayan sa barangay, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), o istasyon ng pulis nang isagawa ang pag-aresto taliwas sa standard operating procedure sa pagsasagawa ng buy-bust operation.

“Had they done so, we wouldn’t be in this situation, na kailangang pa natin imbestigahan sa Kamara ang insidenteng ito. Good police work should have worked in this case, pero ang nangyari, mukhang gustong ishort-cut ang proseso at the expense of trampling on the human rights of the Muslim traders,” dagdag pa ni Hataman.

Sinabi ni Hataman na hindi niya sinasabi na inosente o guilty ang mga hinuling Muslim kundi ang interes nito ay ang paraan na ginawa ng mga pulis.

 

Read more...