IPINAG-UTOS ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año ang pagsibak kay F/SSUPT Roderick P. Aguto, Regional Director ng Bureau of Fire Protection (BFP)–Region 6.
Si Aguto ay sinibak dahil umano sa breach of quarantine protocol ng isang tauhan nito na nakitang gumagala sa Boracay Island habang naghihintay ng resulta ng PCR test COVID-19.
Ang naturang tauhan ng BFP ay nagpositibo sa coronavirus disease 2019.
“We will never tolerate any wrongdoing by our BFP personnel or any other DILG personnel for that matter because lives are at stake here. Panahon ng pandemya ngayon at hindi puwede ang mga palusot. Moreover, as law enforcers, we must set a good example to our people and the breach of quarantine protocols sets a very bad example,” ani Año.
Itinalaga ni Año si F/SSUPT Jerry Candido, Director for Logistics ng BFP-National Headquarters, na maging Officer-in-Charge ng BFP-Region 6.
“Alam ninyo po, hindi madali itong contact tracing. To be careless on the part of public safety officers in this time of pandemic is utterly deplorable,” saad ni Año.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya inatasan si BFP Chief Jose Embang na imbestigahan ang pangyayari.
“A Special Investigation Task Group of the BFP NHQ has been directed to investigate fire personnel of BFP-6 and her 27 other co-workers whom she had exposure to or close contact with,” ani Malaya.
“Puspusan na po ang contact tracing na isinasagawa ng BFP-6 at mayroon na pong koordinasyon sa DILG Region 6 at Police Regional Office. Titiyakin po natin ang medical needs ng mga fire personnel na ito na maaaring na-expose sa COVID-19 subalit mananagot din sila sa anumang maging resulta ng imbestigasyon nila na ipinag-utos ni Secretary Año kaugnay sa posibleng naging kapabayaan” dagdag pa ni Malaya.
Hanggang noong Martes ay 196 tauhan ng BFP-6 ang sumailalim na sa rapid testing. Sa naturang bilang 28 ang isinailalim sa confirmatory RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) test.
Ang BFP-6 Regional Office at mga provincial offices nito ang mga fire stations ay isinailalim sa lockdown habang nililinis.